34 nawawalang sabungero pinatay, inilibing sa Taal Lake – saksi

Stock photo
SA TAAL Lake inilibing ang 34 missing sabungero na pinagpapatay umano sa pamamagitan ng pananakal gamit ang wire.
Lumantad ang nagpakilalang security guard daw ng Manila Arena at kinumpirma nga ang malagim na sinapit ng mga sabungerong naiulat na nawawala apat na taon na ngayon ang nakararaan.
Base sa report ng “24 Oras” kahapon, June 18, inilahad ng sekyu na kinilala lamang sa alyas “Totoy” kung paano at bakit pinatay ang mga biktima.
Ang sabi ni Totoy sa ilang kapamilya ng mga pinaslang na sabungero, sinakal ang mga biktima sa pamamagitan ng isang wire hanggang sila ay mamatay.
Kaya raw niyang ituro sa mga otoridad at pamilya ng mga biktima kung saan inilibing ang mga bangkay.
“Sa ngayon, hindi na natin makikita ang buto, pero alam ko kung sino ang nasa likod nito.
“Paano mabubuhay ‘yan eh nakabaon na ‘yan doon sa Taal Lake. Lahat ‘yan. Kung huhukayin yun, mga buto-buto, paano natin makilala ang mga yun?” pahayag ng sekyu.
Rebelasyon pa ni Totoy, may mga drug lord din daw na inilibing sa Taal Lake, “Di lang missing sabungero ang mga yun, may iba pang tinatapon doon, pati drug lord.”
Sabi pa ng security guard, halos 100 sabungero na raw ang ipinapatay ng tinukoy niyang “boss” na umano’y siyang nag-utos sa kanyang mga kasamahan.
At ang dahilan daw kung bakit pinapatay ang mga biktima, nahuli raw ang mga ito na nandurugas sa sabungan.
Pinag-aaralan na ngayon ng Department of Justice (DOJ) kung pwedeng ipasok sa witness protection program ang lumantad na sekyu sakaling makapag-submit na ito ng affidavit hinggil sa kanyang mga rebelasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.