Shooting ng movie ni aktres nahinto dahil umober sa budget, direktor sinisi

PANSAMANTALA munang itinigil ang production para sa indie movie ng aktres dahil nag-over shoot daw kaya kinulang sa budget.
Nalungkot ang ilang artistang kasama sa indie movie dahil sa kagustuhang suportahan ang aktres ay marami silang tinanggihang project para lang i-accommodate ang proyekto tapos nahinto pa.
“Stop daw muna kami, hahanapan pa ng budget kasi nag-over shoot. ‘Yung director ang daming gustong gawin.
“Actually, may kulang pa nga sa TF (talent fee) namin ‘yung producer pero nangako namang ibibigay kaagad this month,” say ng isa sa aktor na kasama sa pelikula.
Sa pagkakaalam namin ay noong nakaraang taon pa ito pinlano at nakapagsimula na nga, pero nahinto dahil may mga hindi tugma sa schedules ng major cast.
“Saka magastos din kasi ‘yung movie, sabi indie pero parang hindi naman indie ang budget. Ang dami kasing hinihingi nu’ng direktor,” tsika pa ng aktor.
Dagdag pa ng kausap namin, “Ako nga sinubukan kong tanungin ‘yung direktor du’n sa project na tinanggihan ko kung puwedeng makahabol pa o baka may iba silang kailangan, wala na raw at may out of the country shoot pa sila. Nakakahinayang din naman, pero ganu’n talaga.”
Sobrang suportado ng mga kasamang artista ang bidang aktres sa indie movie dahil kaibigan nila ito at malalim na ang naging samahan nila.
Ang nakakatuwa habang kausap namin ang artistang kasama sa pelikula ay biglang tinawagan siya ng manager niya at may offer daw na TV series.
Kaya ang saya-saya ng aktor ngayon dahil may kapalit agad ang ipinahintong project at higit sa lahat ay mahalaga ang role niya sa inalok na TV series.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.