Pura Luka Vega: Sa mga bakla at naiiba sa lipunan, patuloy tayong lumaban!

Pura Luka Vega
“MATAPANG kong masasabing nanaig ang hustisya!” Iyan ang dialogue ng drag artist na si Pura Luka Vega matapos maasbwelto sa kasong cybercrime.
Feeling thankful and grateful si Pura Luka nang matanggap ang good news na na-acquit nga siya sa demanda na isinampa laban sa kanya ng Hijos Del Nazareno.
Pinawalang-sala si Pura Luka o Amadeus Fernando Pugante sa kasong Cybercrime Prevention Act (Republic Act o RA 10175) kaugnay ng nag-viral niyang “Ama Namin” drag performance habang nakasuot ng damit na parang kay Hesus Nazareno.
Sa 20-pahinang desisyon ni Presiding Judge Czarina Samonte-Villanueva ng Manila Regional Trial Court (RTC) branch 184, naabwelto si Pura Luka Vega dahil kulang daw ang mga ebidensya na isinumite sa korte para patunayang nakagawa siya ng krimen sa kanyang naging performance bilang drag artist.
“WHEREFORE, premises considered, for failure of the prosecution to establish guilt beyond reasonable doubt, Amadeus Fernando Pagente, also known as Pura Luka Vega, is hereby ACQUITTED…” ang bahagi ng desisyon ng korte.
Sa pamamagitan naman ng Rainbow Rights Philippines, kung saan nagsisilbing advocate officer si Pura Luka, ay naglabas siya ng official statement hinggil sa pag-aquit sa kanya.
Inialay ng drag artist ang pag-abswelto sa kanya sa lahat ng miyembro ng LGBTQIA+ community kasabay ng pagsasabing nirerespeto nila ang karapatan ng lahat sa kanilang pananampalataya.
Nagpasalamat din siya sa lahat ng tumulong sa kanya na harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya, kabilang na ang mga abogado, testigo at mga taong nag-ambag para sa pagtatanggol sa kanyang sarili.
Sey pa ni Pura, “Ang aming sining at ekspresyon ay ang esensya ng demokrasya at kalayaan magpahayag.”
“Sa huli, matapang kong masasabing nanaig ang hustisya. Matagal ko na pong napatawad ang mga taong (nanlait at nambastos) at nagdiwang sa aking pinagdaanan.
“Sa true lang, sa mga bakla at naiiba sa lipunan, patuloy tayong lumaban at i-claim naten ang karapatang maging tunay na tayo. Walang kiyeme! At nawa’y iadya natin ang isa’t isa sa lahat ng masama,” ang pahayag pa ni Pura Luka Vega.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.