Kotong checkpoint sa Pasay City

MATINDI ang tapang ng mukha nitong tatlong pulis Pasay na nangongotong sa kanto ng Airport Road, Andrews ave. at Aurora blvd. sa mga pasaherong galing sa NAIA. Kung ikaw ay dadaan ng EDSA, mahuhuli kayo sa inilatag na lambat ng tatlong ito dahil wala kang dadaanang iba dahil wala nang left turn sa Aurora Blvd at kailangan mong mag-u- turn sa Sales Rotonda bago kanan sa Shell.

Makikita ang tatlo, lalo na kapag alas-9 ng gabi hanggang madaling araw, sa harap ng gas station kung saan lahat ng sasakyan , ay pinapara at sasabihan ng ibat ibang traffic offenses. Naisip ko tuloy, it’s more kotong in the Philippines.

Dalawang beses na kaming pinara ng mga pulis trapiko na ito na ang pinipili ay mga sasakyan na tingin nila ay papauwing OFW o balikbayan. Noong una, swerving daw na sa katotohanan ay imbento lang nila. Ang mahirap pa, walang mga nameplate o kayay pangalan ang mga kotong cops na ito kayat pamemerwisyo lang ang raket nila.

Siyempre, hindi ako pumayag sa sinasabi nilang violation at hinamon silang tiketan na lamang kami. Pero nang makita siguro nila ang pangalan ko o nalaman sa driver ko, nagmamadaling pinaalis kami ng naturang mga pulis.

Nitong Martes ng madaling araw, nadaan na naman ako sa naturang lugar galing sa airport at pinahinto kami dahil swerving daw muli. Nakita ko pa ang tatlong van sakay ang mga papauwing mga OFW na kinakausap din ng ibang mga pulis-Pasay.

Hindi rin ako pumayag at matapos akong magpakilala, nilubayan nila kami. Pero, iyong mga papauwing OFW ay nahingan ng kotong ng mga walang patawad na pulis-Pasay na ito. Kahit mga turistang dayuhan ay pinapara din ng mga taong ito dahil mistulang checkpoint ang kanilang inilagay.

Tiyak na limpak limpak ang kinukubra nitong mga pulis na ito gabi-gabi. Pero, malaking sampal ito sa tourism efforts ng Aquino administration. Isipin, niyo labas lang ng airport ay haharangin ka na agad ng mga pulis at manghihingi lang ng lagay. Sana, matiyempuhan ng grupong ito si Tourism Secretary Ramon Jimenez o si PNP Chief Alan Purisima para matigil na.

Pero, imposible namang hindi ito alam ni Pasay city Mayor Antonio Calixto lalot napakatagal nang nag-ooperate ang kotong checkpoint na ito. Lalong lalo na siguro itong Department of Public order and Safety OIC na si Antonio Canete Jr. na direktang may responsibilidad sa mga pulis traffic ng Pasay.

Kung hindi naman nila alam, siguro hulihin nila sa akto malapit sa airport ang mga kotong cops na ito na sa totoo lang ay perwisyo, kahihiyan at nakakainsulto ang ginagawa sa mga dayuhan at kapwa Pilipino.

Para sa komento, reaksyon o tanong i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374

Read more...