Kung mangusap ay masam at ubod nang sinungaling; dahop na ang karunungan sa paggawa ng magaling. —Awit 36:3
BAKIT kailangang magsinungaling ang gobyernong ito para lang masabing tinatahak nito ang tuwid na daan at hindi ang baluktot na pinanggalingan ni Gloria Arroyo? Mula sa PDAF, DAP, relip at pati sa bilang ng mga patay sa bagyong Yolanda, bakit kailangang may pagtakpan at magsinungaling?
Malaki na ang kasalanan ng gobyernong ito sa pagtatakip at pagsisinungaling, na ang huli nga ay ang paghinto ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa pagbibilang at opisyal na pagpapahayag ng mga namatay sa bagyo.
Kasalanang mortal na ang pang-aabuso sa mga patay. Apat na araw na nanatiling 4,011 ang bilang ng NDRRMC sa mga patay sa kabila ng araw-araw ay mahigit 50 hanggang mahigit na 100 bangkay ang natutunton sa Leyte, lalo na sa Palo at Tanauan, at maging sa Mindoro Occidental ay may apat na patay pa.
Habang nakapako ang bilang sa 4,011, humingi ng 1,000 cadaver bags si Interior Secretary Mar Roxa para lamang sa Tanauan, ang bayan na tumanggap siya ng matinding batikos nang lumapag mula sa helicopter at walang dalang relip, maliban sa mga cameramen ng telebisyon na alam na ninyong kung anong istasyon.
Habang nakapako ito sa 4,011, inihayag ng Task Force Cadaver (huwag na muna nating banggitin ang pangalan ng masipag na pinuno nito at baka mapag-initan at mapagalitan at masabon at masisi at maituro at masibak sa puwesto, na kanyang iningatan sa mahabang panahon) na ang kanilang bilang ng mga patay ay umabot na sa 5,283. Ha!?
Mahal ng buhay ang mga patay. Mahal ng Diyos ang mga patay. Nasa Purgatoryo man ang kanilang kaluluwa, sugo ng Panginoon (para sa kaalaman ng Malacanang, hindi pareho o iisa ang Diyos at Panginoon, para lang sa kanilang kaliwanagan) si Birheng Maria para alamin at makipagtalastasan sa kanilang kalagayan, na maaaring ikagaan ng kanilang mga kasalanan hanggang sa sila’y maialis na rito at umakyat na sa langit, sa walang hanggang paraiso para mamuhay nang walang hanggan.
Para sa kaliwanagan ng Malacanang, maliban na lang kung hindi Katoliko ang mga naroroon, ang pasiyam (novena), pa-40 days, ang novena sa birheng Mt. Carmel (na ang pambansang simbahan ay nasa Broadway [Dona Juana Rodriguez], New Manila, Quezon City), at ang debosyon para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo, na isinulat nina Father Romeo Hitosis, SSP, at Father Domie Guzman, SSP, base sa mga gawa at salita nina Sr. Emmanuel at Maria Simma; at ginugunitang Undas at Todos los Santos, ay para igalang at tulungan ang mga namayapa.
Na ang pagdarasal sa mga kaluluwa, tulad ng isinagawa ni Ana Maria Taigi sa pamamagitan ng 100 Requiemiternam araw-araw ay ginantihan siya ng pabor mula sa langit na tumugon sa maraming bagay at kanyang mga pangangailangan.
Na ang pagdarasal sa mga kaluluwa ay hindi lamang para sa mga nakalibing sa Manila Memorial Park, kundi para sa lahat, lalo na ang mga nakalimutan at pinabayaan, ang patay na ang pamilya’t mga kamag-anak at wala nang magdarasal sa kanila at ipagdarasal sila; at mga namatay sa bagyong Yolanda.
Nakalulungkot na matagal natugunan ang pangangailangan ng mga buhay at nakaligtas sa Leyte at naging daan pa ang Cable News Network para kumilos ang tamad na gobyernong ito.
Nang dahil sa ulat ng CNN hinggil sa tamad na gobyerno, bumuhos ang tulong sa buong mundo. Nakagagalit na pati ang bilang ng mga patay ay ikinukubli at dinadaya.
Higit na nakagagalit ay bakit ayaw ihayag ang totoong bilang ng mga patay? Naulit na ba ang kasaysayan na isang karaniwang hapon ay gumuho ang minamadali at ginagawang Film Center at nalibing nang buhay sa sariwang sementong ang daang obrero at ang iniulat ng Malacanang ay wala pang 10 ang namatay?
Naulit na ba ang paglilihim ng Malacanang hinggil sa ilang sundalo lang ang napatay ng Moro Islamic Liberation Front sa Mindanao, at para di makita ang mahabang biyahe ng mga nasawi sa EDSA sa gabi ay pinapatay ang daloy ng kuryente?
Ang napala ni Ferdinand Marcos ay kudeta. Ano ang mapapala ng Malacanang sa pagtatakip at paglilihim sa bilang ng mga patay sa bagyong Yolanda?
Hahangaan ba sila ng buong mundo kung 1,000 lang ang nasawi, tulad ng bilang na ibig nilang maganap? Paano na ang ika-1,001 namatay? Hindi na ba siya isasali sa bilang?
Kawawa naman ang 4,283 na ibig kalimutan at ipagwalang-bahala ng Malacanang. Ganoon na ba ang Malacanang ngayon? Lapastangan sa mga patay?
Kahit na ang regulasyon ng ebidensiya ay itinuturing ang buhay na hindi na nagpakita o nakita pagkatapos ng kalamidad na patay at idinedeklarang namayapa na nga.
Bakit ayaw tanggapin ng Malacanang na marami nga ang nasawi? Ah, oo nga pala. Hindi rin matanggap ng Malacanang na marami ang namatay sa Mendiola at Hacienda Luisita massacre. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Panginoon, patawarin mo sila.