Robin Padilla nanindigan sa MTRCB Act matapos kontrahin ng DGPI

Robin Padilla
SINAGOT ni Sen. Robin Padilla ang pagkontra ng Directors’ Guild of the Philippines, Inc. (DGPI) sa inihain niyang Senate Bill No. 2805 o MTRCB Act.
Inaprubahan na ng Senado sa final reading ang naturang panukalang-batas na magbibigay ng mas malawak na mandato sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa online streaming platforms.
Ang nasabing MTRCB Act ay sponsored ni Sen. Robin na naglalayong mas palakasin at mas palawakin pa ang “mandate” ng ahensiya.
“MTRCB should be authorized to regulate video content on streaming platforms to maintain the standards of decency and morality expected by Filipinos,” ang bahagi ng inilabas na pahayag ng Senado.
Sa hiwalay na official statement ni Sen. Robin, sinabi nitong kailangan na ring pangunahan ng MTRCB ang pagre-review at pagre-regulate ng lahat ng online streaming platforms sa bansa.
Ipinunto ng senador, “For paid on-demand streaming services, MTRCB shall require the streaming service to submit a list and classification of all movies, series, and programs offered and order a reclassification after screening, only as necessary.”
Sabi pa ng kampo ng senador at aktor, inaprubahan ng mga mambabatas ang MTRCB Act, “to address issues of obscenity, immorality, and senseless violence in the digital platforms.”
Tinutulan naman ito ng DGPI dahil naniniwala sila na maaari umano itong makaapekto sa kalayaan nilang makapagpahayag sa pamamagitan ng mga pelikula.
“There is no need to create a redundant new law such as SB 2805 that would further destroy content creators’ rights to free expression and viewers’ rights to free access to expression,” ang nakasaad sa official statement ng DGPI.
Sinagot naman ito ni Robin at ipinagtanggol ang naturang panukalang batas. Naiintindihan naman daw niya ang saloobin ng mga direktor dahil galing din sa industriya ng pelikula.
“Ngunit, sa likod ng panukalang batas na ito, may mas malalim po tayong layunin – pananagutan sa harap ng makabagong panahon,” mariing sabi ng aktor at politiko.
Aniya pa, ang MTRCB Act ay hindi tungkol sa pagbabawal o paninikil kundi pag-aalaga at pagbibigay ng proteksyon sa pamilyang Pilipino, mga kabataan, at ng kulturang Pilipino.
“May pananagutan ang estado na tiyaking ligtas, makabuluhan, at may direksyong moral ang content na lumalaganap, lalo sa online platforms na papasok sa saklaw ng batas,” sabi pa ng senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.