Maraming Salamat Po!

MACAU, China — Praise, honor and glory to God for He is great! Maraming salamat po sa inyong lahat sa walang-tigil ninyong suporta. Salamat sa Diyos at walang nasaktan na malubha pagkatapos ng 12 rounds na laban namin ni Brandon Rios.

Salamat sa Poong Maykapal at matagumpay tayo sa buong kabuuan ng paghahanda at pagsasanay sa aking pagbabalik sa ibabaw ng ring.

Maraming salamat sa pagtitiwala ninyo sa akin na sa kabila ng magkasunod na pagkatalo ay naririyan pa rin ang suporta ninyo sa akin.

Kasama ng aking pamilya, ikinalulugod kong ipinamamalita sa inyo na ang aking pagbabalik ay naisakatuparan muli at ito ay simula lamang ng panibagong paghahangad ng pagbibigay katanyagan sa ating kapwa Pinoy at papuri sa Panginoon.

Paumanhin din po ang aking hinihingi sa inyo dahil sa hindi ako lumabas sa aking training camp upang makapag-concentrate ako sa paghahanda. Pasensiya na rin at pati ang pagsusulat ng Kumbinasyon ay naipasang-tabi natin dahil talaga pong seryoso ang aking paghahangad ng panalo nitong Linggo.

Gaya ng aking ipinangako sa inyo, tayong lahat ay babangon muli sa ating pagkalugmok. Tayong lahat ay babalik muli upang bumangon sa mga trahedyang dumating sa ating mga buhay.

Masakit man sa aking kalooban na hindi ko nasamahan ang aking mga kababayan sa kanilang pagdadalamhati sa mga sakunang dinanas natin nitong buwan dala ng bagyo at lindol, tutuparin ko ang aking pangako na damayan kayo ngayon din at tapos na ang laban.

Iniutos ko na sa aking team na maghanda na at kami mismo ay papasyal sa ating mga kababayan, isang bagay na hindi ko nagawa at magawa noong kalagitnaan ng training camp.

Lubos ang aking kalungkutan noong naghahanda kami dahil hindi man lang ako nakapagpakita o nakapagbigay ako mismo ng tulong.

Ngunit sana, sa pamamagitan ng aking panalo kahapon, ay  naibsan ang inyong kalungkutan kahit na sandali.
Alam kong nagdurusa pa rin ang marami sa aking mga kapwa Pilipino sa Kabisayaan kaya ngayon, mas malaya na akong tumulong at samahan kayo sa pagbangon, gaya ng aking dinanas noong natalo ako ng dalawang sunod na beses.

Hanggang sa Muling Kumbinasyon. May the Almighty God Bless Us. God Bless Us All.

Read more...