MIAMI — Nagbuslo si LeBron James ng jumper may 15.1 segundo ang nalalabi sa laro upang tuluyang ibigay ang kalamangan sa Miami Heat at makabangon sa 16 puntos na paghahabol sa second half para maungusan ang Orlando Magic, 101-99, sa kanilang NBA game kahapon.
Umiskor ng 27 puntos si Dwyane Wade na nagbalik sa starting lineup ng Miami matapos mawala ng dalawang laro para ipahinga ang kanyang mga tuhod. Si James ay nagdagdag ng 22 puntos habang si Chris Bosh ay may 15 puntos para sa Heat, na nagwagi ng anim na sunod na laro.
Si Glen Davis, na naglaro sa unang pagkakataon magmula noong Enero 30 matapos magkaroon ng foot injury, ay gumawa ng 20 puntos para sa Magic, na nalaglag sa 0-5 karta sa kanilang road games. Sina Arron Afflalo at Victor Oladipo ay sumablay sa kanilang tira sa huling limang segundo ng laro para maitakas ng Miami ang panalo.
Si Afflalo ay umiskor ng 18 puntos, si Oladipo ay nagdagdag ng 17 puntos at si E’Twaun Moore ay ginawa ang lahat ng kanyang 14 puntos sa first half para sa Orlando.
Clippers 103, Kings 102
Sa Los Angeles, gumawa si Chris Paul ng 22 puntos kabilang ang go-ahead free throw may 2.5 segundo ang natitira sa laro para tulungan ang Clippers na biguin ang Sacramento Kings matapos sayangin ng Los Angeles ang 20 puntos na kalamangan sa first half.
Si DeAndre Jordan ay nag-ambag ng 17 puntos at 12 rebounds habang si Blake Griffin ay nagtapos na may 16 puntos at 10 rebounds para sa Clippers, na nanalo sa 11 sa kanilang huling 13 laro kontra Kings. Si J.J. Redick ay nagdagdag ng 15 puntos.
Nagwakas naman ang NBA-record streak ni Paul sa 13 diretsong laro na may 10 puntos at 10 assists sa pagsisimula ng season matapos magtala lamang ng siyam na assists.
Si DeMarcus Cousins ay may 23 puntos at 19 rebounds para sa Kings, na galing sa dalawang sunod na panalo.
Si Isaiah Thomas ay nagdagdag ng 22 puntos habang si Patrick Patterson ay umiskor ng 21 puntos mula sa bench para sa Sacramento.
T-Blazers 113, Warriors 101
Sa Oakland, California, nagtala si LaMarcus Aldridge ng 30 puntos at 21 rebounds para sa Portland na inuwi ang ika-10 diretsong panalo matapos talunin ang Golden State.