PBBM idineklarang ‘Tandang Sora Day’ ang Jan. 6, QC lubos ang pasasalamat

Melchora Aquino
GOOD news mga ka-BANDERA, dahil nadagdagan ang special working holiday sa Quezon City!
Idineklara na kasi ni Pangulong Bongbong Marcos ang “Tandang Sora Day” tuwing sasapit ang January 6.
Sa bisa ng Republic Act (RA) 12218, ang nasabing petsa ay magsisilbing special working holiday sa nasabing lungsod upang gunitain ang kapanganakan ni Melchora Aquino o mas kilalang “Ina ng Katipunan.”
Dahil diyan, lubos ang pasasalamat ni Mayor Joy Belmonte sa presidente: “Ito’y napakalaking pagkilala kay Melchora Aquino at sa kanyang mahalagang papel noong panahon ng Katipunan at sa kasaysayan ng ating mahal na lungsod.
Baka Bet Mo: #SerbisyoBandera: QC bukas na ulit para sa bagong scholars, paano mag-apply?
“Bilang bayani na isinilang at lumaki sa Lungsod Quezon, sinasagisag ni Tandang Sora ang katatagan, kabayanihan, at malasakit sa kapwa sa kanyang pagkupkop at pagkalinga sa mga Katipunero, sa kabila ng banta sa kanyang buhay.”
Patuloy ng alkalde sa isang pahayag, “Si Tandang Sora ay tumatayo rin bilang matibay na simbolo ng women empowerment dahil sa kanyang mahalagang papel sa pagtataguyod ng kalayaan at katarungan para sa ating bayan.”
Mensahe pa ni Mayor Joy, “Ang paggunita sa ‘Tandang Sora Day’ ay magsisilbi ring paalala at inspirasyon sa bawat QCitizen at bawat Filipino na panatilihing buhay ang alaala at diwa ng kabayanihan ni Tandang Sora sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay sa pamamagitan ng pagpapakita ng malasakit, pagkakaisa, at pagtindig para sa tama.”
Magugunitang naging bayani si Melchora bilang nagbigay siya ng mahalagang suporta sa mga katipunero, sa pamumuno ni Andres Bonifacio, sa pamamagitan ng pag-aalok sa kanilang tirahan, pagkain, at tulong medikal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.