ISINUSULONG ngayon sa Kongreso ang pagbabawal sa magulang na mamalo sa kanilang mga anak.
Sa katunayan, naipasa na ang House Bill 4455 sa ikatlo at huling pagbasa habang sa Senado naman ay patuloy pa rin itong dinidinig sa komite.
Layunin ng naipasang HB 4455 at ng Senate Bill 873 na gayahin ang umiiral na batas sa Estados Unidos na kung saan pinaparusahan ang mga magulang na gumagamit ng physical at verbal na pamamaraan sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak.
Sa SB 873 na isinusulong ni Sen. Jinggoy Estrada, sinabi nito na base sa survey ng Save the Children in the Philippines, 85 porsyento ng mga bata na tinanong ang umamin na sila ay napalo at naparusahan sa kanilang mga tahanan. Base rin sa survey, 82 porysento sa mga bata ang nagsabi na nahampas na sila sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Dagdag pa ni Estrada, sa pag-aaral ng United Nations International Children Emergency Fund (Unicef), 60 porsiyento o tinatayang 3.6 milyon mga babaeng magulang ang umaming gumamit sila ng psychological o physical punishment para disiplinahin ang kanilang mga anak at 13 porsiyento ang nagsabing gumamit sila ng mabigat na kaparusahan sa kanilang mga anak.
“Various researches show that corporal punishment is ineffective in disciplining children of all ages and most often, it produces anger, resentment and low self-esteem on children,” sabi ni Estrada.
Idinagdag ni Estrada na base sa survey na ginawa sa mga estudyanteng Pinoy, partikular sa mga kabataan, inamin nila na nakaranas sila ng verbal abuse, pamamahiya, iba’t-ibang uri ng psychological punishment kasabay ng pagsasabing may negatibong epekto ang mga ito kagaya ng walang kumpiyansa sa sarili, depresyon, kimkim na galit at agresyon.
“The World Report on Violence and Health by the World Health Organization (WHO) said corporal punishment kills thousands of children each year and injures and handicaps. Children who are disciplined with spanking or other physical punishment are more likely to be anxious and aggressive than children disciplined through other methods,” aniya.
Idinagdag ni Estrada na ang World Report on Violence against Children ay nagrekomenda sa pagbabawal ng corporal punishment sa mga tahanan. Bagkus, isinulong aniya ang positibo at hindi bayolenteng pakikitungo sa mga bata.
Sinabi pa ni Estrada na inirekomenda na rin ng UN Committee on the Rights of the Child sa Pilipinas na ipagbawal ng estado ang corporal punishment sa tahanan, sa eskwelahan at sa pampubliko at pampribadong mga institusyon.
“There is an urgent need to prohibit corporal punishment and all other forms of humiliating or degrading punishment of children in the home, in schools, in institutions, in alternative care systems and in all other settings,” sabi pa ng senador. – Bella Cariaso
(Bukas abangan kung anu-anong mga uri ng corporal punishment ang gagawing krimen)