Cristy Fermin apektado sa pamamahiya raw ni Vice kay MC Muah: Ang bigat!

MC Muah, Cristy Fermin at Vice Ganda
NAG-REACT ang veteran TV host at entertainment columnist na si Cristy Fermin sa ginawa umanong pamamahiya ni Vice Ganda sa komedyanteng si MC Muah.
Apektado si Nanay Cristy sa ginawang vlog ni Vice Ganda kamakailan kung saan kinompronta ng “It’s Showtime” host si MC tungkol sa “bad habits” nito kapag magkakasama silang magkakaibigan.
Kinunan ang YouTube video nang magbakasyon si Vice sa Palawan kasama si MC at ang iba pa nilang kagrupo na pawang mga stand-up comedian.
Sa isang bahagi ng vlog ay diretsahang sinabihan ni Vice si MC tungkol sa nakaka-bad trip daw na ugali nito, “Kapag kayo may rampa kayong grupo, ano mararamdaman n’yo kung ‘yung kasama n’yo papasok sa kwarto tapos lalabas kung kailan niya lang bet tapos aantayin natin siya?
“May gagawin kayo tapos papasok na naman sa kwarto. ‘Tas aantayin mo na naman siya at hindi mo alam kung kailan siya lalabas. ‘Di ba nakakabwisit?” paglalabas ng sama ng loob ni Vice kay MC.
“I chose to be with all of you now. I chose to be with all of you this vacation. Kasi pwede naman kami na lang ulit ng mga nanay ko lumabas, ‘di ba?
“Pero kasi hindi ko na rin kayo nakakasama. Tapos pagdating dito, ganoon pa rin. Ugali mo lagi iyan, e,” talak pa ni Vice.
Sabi ni Nanay Cristy, hindi niya maiwasang maawa kay MC sa ginawang pamamahiya ni Vice lalo na nang humagulgol na ang una.
“Bilang nanay, bilang isang tao, hindi mo maiiwasang madama ang bigat ng loob ni MC sa mga sinabi ni Vice. Masyado akong naapektuhan para kay MC.
“Lalo na nang makita ko ang pagluha niya, ‘yung paghagulhol niya kitang-kita mong hindi iyun scripted,” simulang pahayag ng veteran showbiz columnist sa kanyang programang “Cristy Ferminute.”
Patuloy pa niya, “Alam ko kung ano ang nasa loob niya, e. Gusto niya talagang pagbigyan si Vice kung ano ang magustuhan dahil nasa laylayan siya ni Vice Ganda sa ‘Showtime.’”
Feeling din ni Nanay Cristy, mas pinili na lamang manahimik ni MC at huwag nang labanan o kontrahin si Vice kahit pa may gusto rin itong sabihin tungkol sa mga sinabi ng kanyang kaibigan.
“Alam ni MC kung saan siya nakatayo. Alam niyang may kalakip na pangarap ang pagiging malapit niya kay Vice. Hindi lang ito basta friendship, kundi isang koneksyon na makakatulong sa kanyang career at sa kanyang pamilya,” pahayag pa ni Nanay Cristy.
Ang punto pa ng beteranang TV host, hindi dapat ginagamit ang vlog at iba pang social media platform sa mga ganitong personal at sensitibong isyu, lalo na kung pwede itong makasakit at makaapekto sa mental health ng isang tao.
“Hindi na sana inabot pa sa ganoong antas. Pwede namang kausapin si MC off-cam. May mga bagay na hindi na dapat gawing content,” esplika ni Nanay Cristy.
Pero umaasa raw si Nanay Cristy na maaayos pa rin ang samahan at pagkakaibigan nina Vice at MC sa kabila ng mga nangyari.
“Mahal ni MC si Vice, hindi lang bilang kaibigan kundi bilang mentor. Kaya masakit para sa kanya ang nangyari. Sana maibalik pa nila ang dati nilang samahan,” saad ni Nanay Cristy.
Base sa mga binasang comments ng TV host at columnist mula sa kanilang mga tagasubaybay, mas marami ang nagsabing maling-mali raw talaga ang ginawa ni Vice kay MC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.