10-anyos namatay matapos magpatuli sa pekeng doktor, inireklamo sa NBI

Stock photo
HUMINGI na ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ng 10-anyos na batang namatay matapos magpatuli.
Nais nilang pananagutin ang taong nagpanggap umanong doktor na nagtuli sa kapamilya nilang taga-Tondo, Manila na pinaniniwalaang naging sanhi ng kanyang pagkasawi.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dating midwife o komadrona ang suspek na dati nang nakulong dahil sa panloloko sa mga pasyente at pagpapanggap bilang doktor.
Sa report ng “Unang Balita” sa GMA morning show na “Unang Hirit”, gumagamit ang suspek ng pangalan ng ibang lisensyadong doktor para makapag-isyu ng mga medical certificate.
Sabi naman ng mga barangay official, wala rin daw permit ang lying-in clinic ng suspek kaya hindi talaga siya lisensiyadong magsagawa ng anumang medical procedure kabilang na ang circumcision.
Taong 2023 nang i-raid ng mga operatiba ng CIDG Intelligence Unit ang clinic ng suspek matapos magsumbong ang isang senior citizen tungkol sa ilegal na gawain ng suspek.
Pero nakalaya rin daw ito matapos makapagpiyansa at bumalik sa panloloko ng mga inosenteng pasyente.
Sa kasalukuyan ay hinihintay na lang ang resulta ng autopsy sa bangkay ng batang biktima para malaman kung ano talaga ang sanhi ng pagkamatay nito.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, “Whatever will be the (cause) of the death ipapatawag namin, isa-subpoena namin yung doctor na nagtuli.”
Maaaring kasuhan ng medical malpractice o reckless imprudence resulting in homicide ang suspek dahil sa pagkamatay ng biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.