Tinuldukan na ni Erik Santos na walang balikang mangyayari sa kanila ni Rufa mae Quinto dahil may dini-date siyang non-showbiz girl ngayon.
Ito ang sinabi sa amin ng Prince of Pop ng makasalubong namin sa Edsa Shangri-La Hotel kamakailan. Tinukso kasi namin siya kay Rufa Mae dahil sweet pa rin silang mag-usap sa nakaraang “InTENse: A Decade with the Prince of Pop” concert na ginanap sa PICC kamakailan.
Bakit gulat na gulat siya nang makita si Rufa Mae sa show niya? “E, kasi, hindi naman siya kasama sa line-up ng guests ko, akala ko ibang tao, though alam kong may ganu’ng character pero ibang tao, kaya nagulat ako ng bigla siyang sumulpot, kasi hindi naman sinabi sa akin ng staff kaya sobrang touch talaga ako.”
Wala na bang part-two ang nakaraan nila? “Ikaw talaga ate Reggee, gusto mo ba? Hindi na puwede kasi may dine-date ako ngayon na non-showbiz, so hindi maganda, di ba? At saka okay na kami ni Peachy, sobrang magkaibigan kami.”
Samantala, kinumusta ni Erik ang concert niyang “InTENse” kung nagustuhan namin, sabi ko maganda ang show pero masyadong mahaba dahil kulang tatlong oras kaming nakaupo, “Sinadya ko ‘yun kasi para masulit naman ang ibinayad ng manonood kasi 10 years ko na at saka InTENse nga, eh,” sabi sa amin.
Sayang bossing Ervin at hindi mo napanood ang concert ni Erik dahil ang gaganda ng choice of songs niya lalo na ang opening kung saan ipinakita kung paano siya nag-umpisa sa kanyang singing career.
Dito naikuwento ni Erik na naging part pala siya ng “Little Mermaid” musical play at sabi niya, “Sinubukan ko at maski na hirap na hirap na ako kasi dumudugo ang ilong ko sa kaka-Ingles.
Sana sa susunod, ‘yung Tagalog version naman.” Special guest naman sa show si Pops Fernandez na maraming napa-wow dahil sa sobrang iksi ng damit nito na kung tumuwad lang siya ay tiyak na masisilipan.
Hmmmm, nagpapaka-bagets ba ang Concert Queen? Nakasama rin ni Erik sa show sina Angeline Quinto at Yeng Constantino para sa nakakabinging production number kung saan binirit nila ang mga kantang “I Would Do Anything for Love” at “It’s All Coming Back To Me Now” na halos pigil ang paghinga namin sa sobrang taas.
Sumunod ang dueto nina Erik at Regine Velasquez ng awiting “Kulang Ang Ibigin Ka” medley sabay iwan sa Songbird para sa spot number nitong “Hulog Ka Ng Langit” na alay niya sa anak niyang si Nate na titulo rin ng bago niyang album sa Universal Records.
At ang huling ka-dueto ni Erik ay ang Comedy Concert Queen na si Ai Ai delas Alas para sa awiting “Where Have You Been” sabay iwan ng binata para sa spot number nitong Whitney Houston medley na sabi namin ay agaw-buhay production number dahil sobrang taas din ng bigay ni Ai Ai.
( Photo credit to Google )