Rodrigo Duterte may utos kay Medialdea habang patungong The Hague

Photo from Facebook
MAY iniutos pala si dating Pangulong Rodrigo Duterte kay former Executive Secretary Atty. Salvador Medialdea noong bumibiyahe na sila patungong The Hague, Netherlands.
Talagang nagmarka raw kay Medialdea ang naging pahayag sa kanya ni Duterte habang nasa eroplano sila papunta sa The Hague matapos ngang ipaaresto ng International Criminal Court (ICC).
Tandang-tanda pa raw niya ang utos ni Duterte para sa mga kasamahan nila sa loob ng eroplano kabilang na ang mga umaresto sa kanya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa isang panayam kay Atty. Medialdea, sinabi nito na sa kabila ng ginawang pag-aresto sa kanya sa bisa ng arrest warrant mula sa ICC ay ang kapakanan pa rin ng mga kasama nila sa eroplano ang iniisip nito.
“Ang unang tanong niya sa akin nu’ng naglanding na kami, ‘May pera ka ba diyan?’ sabi ko mayroon akong, meron yata akong 550 dollars na Hong Kong kasi galing kaming Hong Kong eh, yun lang ang laman ko tsaka may card ako,” pahayag ni Medialdea.
Dugtong ng kaibigan ng dating presidente, “Oh sige, pagdating natin sa airport pakainin mo lahat ng kasama natin sa eroplano. Gutom na gutom lahat ‘yan.’
“Kalaban n’ya yun ah, yun pa yung nanghuli sa kanya. (Sabi pa niya) ‘And then bilihan mo sila ng mga jacket nila kasi napakalamig.’ Hindi n’yo alam yung mga istorya na ‘yan eh,” pagbabalik-tanaw ni Medialdea.
Kasalukuyan pa ring nasa ICC custodial center sa The Hague si Duterte dahil sa umano’y mga nagawa niyang “crimes against humanity” kaugnay ng ipinatupad niyang “war on drugs” noong siya pa ang pangulo ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.