Akbayan may 3 gustong patunayan sa impeachment trial ni VP Sara

Sara Duterte at Chel Diokno
MAY tatlong dahilan kung bakit sinuportahan at patuloy na isinusulong ng Akbayan party-list ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Muling ibinandera ng Akbayan, ang nangunang party-list sa katatapos lamang na 2025 midterm elections, ang kanilang laban para sa impeachment ng bise presidente.
Sa pagharap sa media si Akbayan party-list 1st nominee Chel Diokno kasama ang dalawa pang co-nominees niyang sina Percival Cendana at Dadah Kiram Ismula, natanong ng ang tungkol kay VP Sara.
Nabanggit ni Diokno kung anu-ano ang gusto nilang mapatunayan sa inaabangang impeachment trial laban sa pangalawang pangulo.
“Ang impeachment trial ay isang civilized legal process. At ang mangyayari doon ay malalaman ng buong bansa katotohanan,” saad ni Diokno sa panayam sa kanya ng media.
Aniya pa, “Kaya nga kami ay sumusuporta sa impeachment ay dahil gusto namin ng unang-una malaman ang katotohanan.
“Pangalawa, ay magkaroon ng pananagutan at pangatlo ay hustisya para sa bayan,” sabi pa ng bagong halal na kongresista.
Isa ang Akbayan sa mga nag-endorso ng impeachment complaints laban kay VP Sara noong Disyembre na inihain naman ng iba’t ibang civic society leader, religious leaders at advocacy groups.
Inaasahang magsisimula ang impeachment trial laban kay VP Sara pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos sa darating na July, 2025.
Nauna nang nagpahayag ng tila pagbabanta si Sara Duterte hinggil sa kanyang impeachment trial kung saan siya niyang mas nais niyang magkaroon ng isang madugong impeachment.
Nitong nagdaang Sabado, May 17, sinabi ni VP Sara na gusto niyang matuloy ang impeachment laban sa kanya, “Sinabihan ko na rin talaga sila. I truly want a trial because I want a bloodbath talaga.”
Inalmahan naman ito ni congresswoman-elect (ML party-list) Leila de Lima sa pamamagitan ng kanyang Facebook page.
“Diyan naman sila magaling eh: braggadocio, mindless arrogance, toxic rhetoric, violence,” resbak ni De Lima.
Parehong tinanggap sina Diokno at De Lima ang alok sa kanila na maging impeachment prosecutors sa trial ni VP Sara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.