Jimmy Bondoc umapela: Pauwiin si Digong, wag pag-initan si Sara

Jimmy Bondoc nanawagan: Pauwiin si Digong, ‘wag pag-initan si VP Sara

Ervin Santiago |
Eleksyon 2025 -
May 15, 2025 - 01:00 AM

Jimmy Bondoc nanawagan: Pauwiin si Digong, 'wag pag-initan si VP Sara

Rodrigo Duterte, Jimmy Bondoc at Sara Duterte

UMAPELA ang singer at abogadong si Jimmy Bondoc na pauwiin na ng Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte at huwag nang pag-initan si Vice President Sara Duterte.

Matapos matalo sa senatorial race sa katatapos lamang na 2025 midterm elections, nag-post ng mahabang mensahe si Atty. Jimmy Bondoc sa kanyang Facebook page.

Tanggap na raw ng OPM artist ang kanyang pagkabigo na makakuha ng upuan sa Senado pero hindi naman daw dito natatapos ang lahat.

“Wala pong sapat na salita upang maipakita ko ang aking pasasalamat sa Panginoon at sa taumbayan para sa pagkakataong ito. Diyos ang nagluluklok, at ang Kanyang pasya ay sapat sa akin.

“Ang eleksyon po ay pansamantalang laban. Ngunit ang tuluyang laban ay ang pagtatanggol sa bayan natin mula sa kasamaan.

“Hindi biro ang ating kinalalagyan, ngunit dahil sa paligsahan ng eleksyon, sandali tayong nalingat sa totoong kalagayan ng bayan,” ang simulang pagbabahagi ni Jimmy ng kanyang saloobin.


Patuloy niya, “Sana, makita nating lahat na hindi na nadadaan sa galit at paninira ang mga problema natin. Ang kailangan natin ay diskurso at pag-iisip. Sana, umangat na ang antas ng pampublikong talakayan ng ating bayan.

“Hindi natin maiiwasan na babalik muli sa bangayan ang usapan. Kaya kung sino man ang nakakarinig at nakakaunawa sa boses na nakapaloob sa mensaheng ito, sana nagkakaisa tayo sa pangako na tayo ay sabay-sabay nang lalayo sa masasamang salita, sa masasamang gawain, at sa padalos-dalos na paghusga,” lahad pa niya.

Ang pakiusap pa ng singer at lawyer, “Sana, namulat na tayo sa mga taktika ng mga makinarya na pinag-aaway lamang tayo upang makakuha ng libreng datos mula sa pinaiikot na masa.

“Sana, madama nating muli ang buhay na walang hanggan. Sana, maliwanagan muli tayo sa tunay nating patunguhan.

“Pag-ibig lamang ang kalaban ng kasamaan. Wala na pong iba. Sa daigdig natin na kung saan pahirap nang pahirap magpakita ng pag-ibig, sana manatili kayong matatag sa pagpapalaganap ng pagmamahal, kahit sa mga kalaban.

“Kay hirap, ngunit yan ang utos. Tandaan rin na ang gantimpala ay wala sa buhay na ito. Kaya’t wag na nating abangan. Magpakabuti na lang tayo, at damhin ang kapayapaan ng kaloobang dulot nito,” ang nais pang ipunto ni Jimmy.

“Salamat po sa milyon-milyong nagtiwala. Ang dami nating nagawa sa kakaunting pondo at tao. Sana, ito na nga ang kinabukasan ng politika sa Pilipinas.

“Sana, gising na nga ang Pilipino, at mas magising pa. Sana, maunawaan natin na kapag tayo ay gising na gising na, makikita natin na kabutihan lamang ang sulit ipaglaban, at walang halaga ng ginto o kapangyarihan ang tutumbas sa halaga ng kaluluwa,” dagdag pa ni Jimmy.

Sa huli, may panawagan pa siya sa mga kinauukulan, “Tatlo pong huling pakiusap.  Pauwiin po natin si Digong.  At wag na po nating pag-initan si Sara.

“Hindi lamang ito personal. Para po ito sa bayan.

“Sana po, maunawaan ninyo. Itigil na natin ito.

“Pangatlo, sana suportahan ninyo ang Aromata. Ito na lang ang natitira kong yaman.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Jimmy Bondoc po, nagpapaalam sa numero diyes, at humihingi sa inyo ng kaunting panahon upang magpahinga’t manalangin. Salamat sa pagmamahal,” ang buong mensahe ng singer.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending