Marjorie, Dennis, Ejay, Ara, Anjo, Angelika, iba pa talo sa #VotePH2025
Eleksyon 2025 - May 13, 2025 - 10:52 AM

Ara Mina, Angelika dela Cruz, Marjorie Barretto, Anjo Yllana, Dennis Padilla at Ejay Falcon
MAY ilang celebrities nang nag-concede sa kani-kanilang mga kalaban sa gitna ng nagaganap na bilangan ng boto para sa 2025 midterm elections sa bansa.
Ilan naman sa mga natalo sa laban ay ang dating magdyowang sina Marjorie Barretto at Dennis Padilla, pati na rin sina Ara Mina at Aljur Abrenica.
Una nang nagpahayag ng pagtanggap sa kanilang pagkatalo ang mga aktor na sina Ejay Falcon at Dan Fernandez at TV host na si Sam Versoza.
Bigong masungkit ni Ejay ang posisyon sa pagka-kongresista sa 2nd District ng Oriental Mindoro habang natalo naman ang incumbent congressman sa Laguna na si Dan sa pagka-gobernador ng probinsya.
Tinanggap na rin ng boyfriend ni Rhian Ramos ang kanyang pagkabigo sa pagtakbong mayor ng Maynila.
Sa mga kumandidatong senador, base sa partial-unofficial tally ng Commission on Elections (Comelec), hindi nakapasok sa Magic 12 ang mga celebrity na sina Bong Revilla, Phillip Salvador, Willie Revillame, Manny Pacquiao at Jimmy Bondoc.
Bukod naman kay Ejay, bigo rin sa kanilang kandidatura para kongresista sina Marco Gumabao (4th District ng Camarines Sur), Lino Cayetano (1st District ng Taguig City), Rey Malonzo (1st District ng Caloocan City), at dating swimmer na si Eric Buhain (1st District ng Batangas).
Hindi rin pinalad ang anak ni Vilma Santos na si Luis Manzano sa una niyang pagtakbo bilang vice-governor ng Batangas.
Talo rin si Jorge Jerico Ejercito, anak ni ER Ejercito at pumanaw na dating aktres na si Maita Sanchez, sa pagtakbo nito sa pagka-bise gobernador ng Laguna, pati na ang dating aktres na si Gem Castillo.
Bukod kay Sam Verzosa, bigo rin ang award-winning actor na si Raymond Bagatsing sa pagtakbong mayor ng Maynila.
Hindi rin pinalad sa kanilang kandidatura para alkalde ang mga aktor na sina Victor Neri (Makati City), Emilio Garcia (Bay, Laguna), at DJ Durano (Sogod, Cebu), pati na ang talent manager na si Arnold Vegafria (Olongapo, Zambales) at ang direktor na si Bobet Vidanes (Pililla, Rizal).
Para naman sa pagka-vice mayor, hindi nagtagumpay sa kanilang reelection bid ang premyadong aktor na si Yul Servo at ang dating PBA player na si Dondon Hontiveros (sa Cebu City). Bigo rin ang PBA legend na si Philip Cezar na tumakbo sa San Juan.
Talo rin sa laban sa pagka-vice mayor sina Monsour del Rosario (Makati), Angelika dela Cruz (Malabon), at Anjo Yllana (Calamba, Laguna).
Pareho ring talunan sa kanilang kandidatura bilang konsehal sa Caloocan ang ex-celebrity couple na Marjorie Barretto (1st District) at Dennis Padilla (2nd District).
Hindi rin nakapasok sa konseho sina Ara Mina (2nd District ng Pasig), Shamcey Supsup (1st District ng Pasig City), Enzo Pineda (5th District ng Quezon City), Ali Forbes (4th District ng Quezon City), at Aljur Abrenica (Angeles City, Pampanga).
Dagdag pa sa listahan ng mga bigo sa pagtakbong konsehal sa 2025 midterm elections sina Abby Viduya (1st District ng Parañaque), Ryan Yllana (2nd District ng Parañaque), David Chua (2nd District ng Manila), Bong Alvarez (3rd District ng Manila), Mocha Uson (3rd District ng Manila), at Neil Coleta (Dasmariñas, Cavite).
Tumakbo rin bilang board member sa 1st District ng Benguet ang aktor na si Roi Vinzon pero nabigo rin siyang makasungkit ng pwesto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.