Liam Payne nag-iwan ng P1.8-B na yaman pero walang ‘last will’ –ulat

PHOTO: Facebook/Liam Payne
NAG-IWAN umano ng £24.3 million o halos P1.8 billion na ari-arian ang yumaong British singer at dating One Direction member na si Liam Payne, pero wala itong iniwang last will.
Ito ang kumakalat na report ng ilang media outlet sa United Kingdom.
Ayon pa sa ulat ng BBC at The Guardian, ang dating partner ni Liam na si Cheryl Tweedy ang itinalagang administrator ng kanyang mga naiwang ari-arian.
Para sa mga hindi aware, si Cheryl ay dating miyembro ng Girls Aloud at ina ng 8-year-old na anak nila ni Liam.
Baka Bet Mo: Pinoy celebs nabigla, nalungkot sa biglang pagpanaw ni Liam Payne
Kasama niya sa pamamahala ng estate ang isang abogado mula sa music industry.
Pero ayon sa BBC, hindi pa raw maaaring ipamahagi ang yaman ni Liam sa ngayon.
Pumanaw ang British star noong October last year sa edad 31 matapos mahulog mula sa third floor ng CasaSur Palermo Hotel sa Buenos Aires, Argentina.
Lumabas sa toxicology report na may laman ng cocaine, alak, at isang uri ng prescription antidepressant sa katawan ni Liam nang siya’y bawian ng buhay.
Ayon sa pahayag ng lokal na piskalya, hindi raw ito itinuturing na suicide dahil lumabas sa imbestigasyon na nawalan ng malay si Liam bago mahulog.
Tatlong tao ang una nang sinampahan ng kasong negligent homicide, kabilang ang isang kaibigan ni Liam at dalawang empleyado ng hotel.
Pero kalauna’y ibinasura rin ang mga nasabing kasong.
Sa ngayon, sinampahan pa rin ng kaso ang isang empleyado ng CasaSur Palermo Hotel at isang lokal na waiter dahil sa umano’y pagbibigay ng ipinagbabawal na gamot kay Liam bago siya namatay.
Ang kasong ito ay may katumbas na parusang apat hanggang 15 taon na pagkakakulong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.