Ladies Club: ‘Wag kayong pasaway

NAAYOS na raw ang problema sa kung saan ba dapat patuluyin ang mga survivors ni “Yolanda” na lumikas galing ng Samar at Leyte. Una na kasing nagkagulo matapos silang palipat-lipatin mula sa Villamor Air Base papuntang Camp Aguinaldo, at makalipas ang isang araw ay pinabalik muli sa Villamor Air Base.

Doon na nga raw sa Villamor Airbase sila pansamantalang manunuluyan.
Naresolba nga pero hindi pa rin maialis ng marami ang magalit sa tila pagiging insensitibo ng mga sangkot dito dahil lamang sa nahahaluan ng pulitika ang ginagawang pagtulong sa ating mga kababayan.

Nag-umpisa ito sa gusot sa pagitan ng mga miyembro ng DSWD at ng Philippine Air Force, partikular ng Ladies Club nito.

May mga batikos pa sa Ladies Club na namimili ng mga tatanggapin na donasyon na pagkain mula sa mga volunteers. Sa pagtulong natin sa ating mga kababayan, kailangan ay hindi lamang pakitang tao kundi ang sinserong pagdamay sa kanila.

Hindi ba naisip ng mga ito na dahil sa pamumulitika, pagod na nga ang mga biktima ng Yolanda, ang iba ay may mga sakit pa, bukod pa sa traumang naranasan ay ibiniyaheng muli mula sa Villamor Air Base papuntang Camp Aguinaldo sakay ng mga mainit na mga bus at pagkatapos ay isinakay muli pabalik ng Villamor Air Base.

Mga Mam hindi po mga tau-tauhan ang ating mga kababayan.

Pati ang mga volunteers ay naguluhan sa nangyari at iba ay nadismaya sa ginawa ng mga nagpapalakad ng operasyon para sa mga evacuees. Sa pagbabalik ng operasyon sa Villamor Air Base, sana nga ay hindi na maulit ang aberyang nangyari at maging sistematiko na sana ang ginagawang pagkalinga sa ating mga kababayan.

Kahapon ay ginunita ang ika-apat na anibersaryo ng Maguindanao massacre. Makalipas ang apat na taon ng kahindik-hindik na pangyayari, hustisya pa rin ang isinisigaw ng pamilya ng mga biktima ng masaker. Bagamat dinidinig na ang kaso ay meron pang 88 na suspek ang hindi pa nadadakip.

Noong Biyernes ay ipinag-utos ng Malacanang sa PNP na paigtingin ang manhunt sa mga sangkot sa masaker. Dismayado naman ang mga kaanak at maging ang mga media organizations sa tila usad-pagong na kaso kahit pa inihayag ng judge na humahawak sa kao na matatapos daw ang paglilitsi ng kaso bago pa bumaba si PNoy sa pwesto.

Pero nangangamba pa rin ang pamilya ng mga biktima kung meron ngang kahihinatnan ang kasong kanilang ipinaglalaban,
Base pa sa pinakahuling ulat, nag-aalok umano ng P50 milyon ang mga Ampatuan para iareglo na lang ang kaso.

Umalma naman ang Palasyo sa bagong taguri kay PNoy bilang Impunity King sa pagsasabing kalabisan na ang paratang na ito.

Hindi naman masisisi ng gobyerno kung nawawalan na ng tiwala ang pamilya ng namatayan sa ginagawang pagdinig sa kaso.

Hustisya ang tanging nais ng lahat, hindi lamang ng mga biktima ng masaker kundi ng bawat Pilipino na umaasang umiiral pa rin ang hustisya sa bansa.

Parang hanggang ngayon ay hindi pa nababasa ng Malacañang ang buong desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang unconstitutional ang pork barrel.

Paano ba naman makailang ulit nang tinanong ang mga opisyal ng Palasyo kung anong reaksyon nito sa resolusyon ng korte pero ang lagging sagot ng mga tagapagsalita ni PNoy ay kailangan daw munang basahin ito bago sila makapagbigay ng pahayag.

Pero iba ang ikinikilos sa sinasabi ng gobyerno. Hindi ba’t una nang sinabi ng Malacañang na pabor sila sa pag-abolish ng pork barrel ng mga mambabatas? Tapos ngayon hindi sila makasalita sa mabigat na desisyong binitiwan ng Korte Suprema.

Marami na rin ang nagsasabi na mawawalan na ng impluwensiya ang pangulo sa mga mambabatas dahil wala nang pork barrel. Kung magkakatotoo nga ba ito, ito ang dapat nating abangan.

Read more...