Pacman-Rios fight live sa evacuation center

BALAK ng pamahalaan ng papanoorin ng laban ni Manny Pacquiao at Amerikanong si Brandon Rios ang mga nasalanta ng bagyong “Yolanda,” lalo na ang mga nasa Tacloban City.

“Nagse-setup na sa airport, sa city hall, at sa Astrodome para ’yung mga kababayan natin na nasalanta sa Tacloban City ay makakita ng live streaming ng laban ni Pacquiao this coming Sunday,” sabi ni Eduardo del Rosario, executive director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nagtulung-tulong ang telecommunications companies para maisakatuparan ang live broadcast ng laban, sabi ni Del Rosario sa isang pulong-balitaan.

Ayon pa sa NDRRMC exec, tinutukan pa rin ng pamahalaan ang pagsasaayos ng mga linya ng komunikasyon sa ibang lugar na sinalanta ng bagyo.

Walang boxing
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni PNP spokesman Senior Supt. Reuben Theodore Sindac na hindi na ipapalabas nang live sa Camp Crame ang laban ni Pacquiao gaya nang nakagawian.

Ito ay dahil nagpasya ang Public Safety Mutual Benefit Fund Inc. (PSMBFI), ang nag-iisponsor ng mga live showing sa Camp Crame, na i-donate na lang sa mga nabagyong pulis ang gagastusing pera.

“‘Yung resources, not only sa pay-per-view, as well as resources sa pagho-host nung show, will instead be included in our relief operations which we are consolidating especially for our policemen,” sabi ni Sindac sa mga reporter.

Sa susunod na linggo ay nakatakdang magtungo ang isa pang contingent ng PNP sa Tacloban para mamahagi ng relief goods sa mga pulis na nasalanta ng bagyo, ayon pa kay Sindac.

Nilinaw naman ng PNP spokesman na ang di pagpapalabas ng live sa Pacquiao-Rios match ay para lang sa Camp Crame.
Hinahayaan ang mga regional, provincial, iba pang unit ng PNP na magpasya kung ipapalabas nila nang live ang laban, ayon kay Sindac.

Read more...