Bagong henerasyon ng Singson at Cojuangco naghahatid ng bagong pag-asa sa Santa Ignacia, Tarlac
Eleksyon 2025 - Bandera May 04, 2025 - 05:06 PM
SA isang bihirang pagkakataon, dalawang malalaking pangalan sa politika na bagamat mula sa magkaibang partido ay maaaring mahalal at maging daan para sa mabilis na pag-unlad ng Santa Ignacia, Tarlac.
Sa isang banda ay si Vanessa Luisa Antonio Singson–anak ng kilalang businessman at dating Ilocos Sur governor Chavit Singson at pamangkin ni dating Santa Ignacia mayor Noel Antonio–na tumatakbo bilang alkalde sa unang pagkakataon.
Sa kabilang banda naman ay si incumbent at reelectionist congressman ng unang distrito ng Tarlac na si Jaime Cojuangco, anak ng dating congressman na si Charlie Cojuangco, at apo ng isa ring kilalang businessman at dating politiko na si Danding Cojuangco.
Ayon sa isang source sa Kapitolyo, usap-usapan umano sa loob ang maaaring maging benepisyo sa bayan ng Santa Ignacia ngayong nakuha nito ang buong suporta ni Chavit para sa kandidatura ni Vanessa.
Baka Bet Mo: Kris gagawin lahat para gumaling; bumisita muna sa Tarlac bago tuluyang umalis ng Pinas
“Sinasabi po na parang okay lang din kahit magkaibang partido sila na manalo,” sabi ng source. “Isipin mo, dalawang malaking pamilya ‘yan na kumbaga hindi naman nag-aagawan sa pwesto. Magkaiba naman kasi na posisyon. Pero magko-complement po kasi magpapagalingan para sa mga mamamayan. Ang swerte ng Santa Ignacia diyan.”
Ang pamilya Singson ay kilala sa Ilocos Sur dahil sa pag-unlad na nakamit nito sa ilalim ng pamumuno ni Chavit. Dahil sa batas na naipasa niya na RA 7171, ang mga probinsyang prodyuser ng Virginia Tobacco ay nakatanggap ng pondo para sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga magsasaka, nagkaroon ng pondo para sa imprastruktura, at nakalikha ng maraming trabaho. Mula sa pagiging magulo at mahirap na probinsya, ang Ilocos Sur ngayon ay ikalima na sa pinakamayaman at isa sa pinakaligtas at progresibo sa bansa.
Sa Narvacan kung saan naging mayor si Chavit, nagsimula ang VBank o Bangko ng Masa na ginamit noong panahon ng pandemya para ipamahagi ang mga ayuda nang direkta sa mamamayan at walang middleman. Ito rin ang unang nagkaroon ng makabagong palengke sa probinsya na gumagamit ng solar energy. May wifi din para sa mga transaksyon na gagamitan ng online payment. Katuwang niya sa pagpapatupad ng mga ito ang kanyang mga anak na nangasiwa sa mga private partnership negotiations.
Bagama’t unang beses ni Vanessa na tumakbo sa isang pampublikong posisyon, dala niya ang malawak na karanasang nakuha sa pamumuno ng mga korporasyong pinatatakbo ng kanilang pamilya. Sa larangan ng pamamahala, pagpaplano, at pagtutok sa resulta, pinatunayan na niya ang kanyang kakayahan—kaya’t handa siyang maglingkod. Kasama sa kanyang plano ang pagpapatibay ng imprastruktura, mas aktibong suporta sa agrikultura, at pagbubukas ng mas maraming trabaho para sa mga taga-Santa Ignacia.
Kilala naman ang pamilya Cojuangco, partikular ang namayapang si Charlie, sa pagsusulong ng mga programang may kinalaman sa kalusugan at edukasyon. Katulad ng mga Singson, sila ay partikular ding namumuhunan para sa imprastruktura at paglikha ng trabaho para sa mamamayan. Bilang mga kilalang businessmen, ang pamilya Cojuangco ay nakapagdala na ng hindi matatapatang investment sa probinsya ng Tarlac na naging dahilan ng pag-unlad nito.
Para naman sa kanyang unang termino, pagpapatuloy ng pag-aalaga sa mga sektor na mahal ng yumaong ama ang binuhusan ng atensyon ni Jaime–ang pagpapalawak at pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon na pundasyong mahalaga sa pangmatagalang kaunlaran ng distrito. Sa kanyang panunungkulan, nakita ang pagtutok sa mga programang may konkretong epekto sa mga paaralan at health centers ng Santa Ignacia at iba pang bayan.
Ang sabay na pagtakbo ng bagong henerasyon ng Singson sa Santa Ignacia at Cojuangco sa District 1 ng Tarlac ay pagkakataong kinaiinggitan ng ibang bayan, ayon sa source.
“May biruan nga po sa mga kapitan sa ibang lugar na sana sa kanila na lang daw ang Singson. May konting inggit ba, kasi may magandang track record nga ang pamilya.”
Maliban dito, mataas umano ang kumpiyansa ng mga mamamayan na hindi magiging problema ang korupsyon kapag nagwagi ang dalawa.
“Aalagaan ng mga ‘yan ang pangalan ng mga pamilya nila. Healthy competition, kumbaga, ‘di ba? Walang magpapa-under kaya walang gipitan na magaganap. Babantayan ang isa-t isa, oo. So positive ang nakikita namin diyan,” sabi ng source.
Wala pang opisyal na pag-uusap ang kampo nina Vanessa Singson at Jaime Cojuangco pero wala naman girian sa pagitan ng dalawang kampo sa kani-kanyang campaign sorties.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.