MTRCB suportado ang pagpapalabas ng movie ni Nora, isinusulong ang ‘Responsableng Panonood’
SUPORTADO ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagpapalabas ng iba pang pelikula ng namayapang Superstar at Pambansang Alagad ng Sining na si Ms. Nora Aunor, bilang pagpupugay sa legasiya nito sa industriya ng pelikula.
Sa inisyatiba ng Viva Communications, Inc., binigyan ng angkop na klasipikasyon ng Board ang mga sumusunod na pelikula ni Ms. Nora Aunor:
Ang “Beloved” (PG – Patnubay at Gabay ng Magulang), tungkol sa pag-ibig, pagtataksil at pagtutubos na nagpapakita ng di matatawarang husay sa pag-arte ni Bb. Aunor
Baka Bet Mo: InnerVoices ibinandera ang bagong bokalista; MTRCB suportado ang 2 Nora Aunor films
View this post on Instagram
Sunod ang “The Flor Contemplacion Story” (R-13, angkop para sa edad 13 at pataas), mula sa direksyon ni Joel C. Lamangan, tungkol ito sa talambuhay ni Flor Contemplacion, isang domestic helper sa Singapore na hinatulan ng pagpatay ng kapwa Pilipino.
Hinikayat ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang publiko na panoorin ang mga pelikula ni Bb. Nora Aunor na nagsilbing inspirasyon sa industriya ng paglikha.
Aniya, “Masaya kami sa MTRCB na mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang mga pelikulang ito na makapagbibigay saya at pagpapahalaga sa talento ni Bb. Aunor habang isinusulong ang responsableng panonood sa mga sinehan.”
Tiniyak pa ng ahensya na patuloy itong nakasuporta sa mga inisyatiba na pagpreserba at pagbibigay-pugay sa mga klasikong pelikula katulad ng mga pelikulang kinabibilangan ni Superstar Bb. Nora Aunor na nagsisilbing pundasyon ng industriya ng pelikulang Pilipino.
* * *
BUMISITA at nagbigay kurtesiya ang grupo ng Quezon City Parents-Teachers Association (QCPTA) sa tanggapan ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio nitong Lunes, Abril 29, para talakayin ang posibleng kolaborasyon para sa responsableng panonood.
Sa kanilang dayalog, nagpahayag ng interes ang QCPTA sa pagsasagawa ng mga serye ng “Responsableng Panonood” seminars, ang pangunahing programa ng MTRCB na dinisenyo para tulungan ang mga magulang na magabayan ang mga bata sa paggamit ng media at maintindihan ang kahalagahan ng angkop na content.
Napag-usapan din ang posibilidad ng pagpapalabas ng mga klasikong pelikula sa mga estudyante ng Lungsod Quezon. Planong isagawa ang mga ito sa iba’t ibang distrito ng Lungsod Quezon, sa pakikipagtulungan ng mga lokal na paaralan.
Binigyang-diin ni Chair Lala ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kaalaman ng mga magulang at nakatatanda sa responsableng paggabay sa mga kabataan lalo na’t malawak na ang paggamit ng media sa ating panahon.
“Malaki ang impluwensya ng media sa paghubog ng pag-uugali ng ating mga kabataan. Sa pamamagitan ng kolaborasyon ng MTRCB at QCPTA, nais nating maipabatid na ang responsableng panonood ay nagsisimula sa tahanan at mapapalawak pa hanggang sa mga komunidad,” say ng hepe ng MTRCB.
Nagpasalamat ang QCPTA sa MTRCB dahil sa mga programa nito na pusibleng makapagpatibay sa relasyon ng bawat pamilyang Pilipino at maiangat ang kamalayan ng mga magulang, guro at estudyante pagdating sa mga klasikong pelikula. Patuloy namang tinitiyak ng MTRCB ang mas pinalakas pang pagsusulong ng “Responsableng Panonood” bilang misyon ng Ahensya na masiguro ang isang ligtas at masayang panood ng pamilyang Pilipino
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.