Canteen helper patay sa samurai dahil sa pagseselos ni Kap

SINAKSAK ng katana o samurai ang isang canteen helper ng isang barangay tanod sa Ermita, Maynila kamakailan.
Base sa report ng pulisya, nangyari ang pananaksak sa loob mismo ng canteen na pinagtatrabahuan ng biktima kung saan bigla na lang sumugod ang suspek.
Sa ulat ng “Frontline Pilipinas”, walang sabi-sabing inundayan ng saksak ng suspek ang helper gamit ang bitbit nitong samurai sword na naging sanhi ng agad nitong pagkamatay.
Ayon sa inisyal na pagsisiyasat, selos ang tinitingnang motibo ng mga otoridad sa ginawa umano ng suspek dahil hinihinala raw nitong kalaguyo ng kanyang asawa ang biktima.
Pagkatapos ng insidente, sumuko rin agad ang suspek sa Manila Police District.
Narekober sa kanya ang samurai at isang kutsilyo na pinaniniwalaang ginamit din umano ng suspek laban sa biktima.
Ayon sa suspek, base sa interview ng media, matinding sakit ang naramdaman niya sa ginawa umano ng kanyang misis.
“Masakit po talaga sa akin kasi no read, no write po ako. Lahat ng pinaghirapan ko, binuhos ko po sa kaniya.
“Alam ng taumbayan ‘yan, dahil kahit ako ganito, sa sobrang sipag ko, mabait ako, kilala ako ng taumbayan po. Ginawa lang akong panakip-butas,” ang pagbabahagi ng suspek.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek at kasalukuyan nasa kustodiya na ng MPD.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.