Security guards nais gawing AFP reservists para palakasin ang pambansang depensa
Eleksyon 2025 - Bandera April 29, 2025 - 07:21 PM
ISINUSULONG ng Laang Kawal Partylist ang pagsama ng higit isang milyong security guard sa Reserve Force ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para tumulong sa pagpapalakas ng pambansang depensa.
Sa isang kamakailang pagpupulong nina Lt. Col. Roberto “Bob” Almario PA (Res), Unang Nominee ng Laang Kawal, at Lt. Col. Jan Chavez-Arceo PA (Res), Ikatlong Nominee, kay Philippine National Police (PNP) Civil Security Group Director MGen. Leo Francisco, ipinakilala ang dalawang opisyal sa mga pangunahing miyembro ng Technical Working Group ng PNP-CSG na binuo upang pag-aralan ang mga kinakailangang hakbang para sa mas maayos at awtomatikong pagsama ng mga security guard sa Reserve Force.
Ayon kay MGen. Francisco, “Taglay na ng mga security guard ang pagsasanay, kagamitan, at disiplina upang makapag-ambag nang makabuluhan sa pambansang depensa.”
Binigyang-diin din niya ang probisyon sa 1987 Konstitusyon na nag-aatas sa lahat ng mga may-kakayahang mamamayang Pilipino na sumailalim sa military training at maging bahagi ng reserba.
Baka Bet Mo: Laang Kawal Partylist humiling ng suporta sa reservists, volunteers sa Zamboanga City
“Bahagi ito ng kanilang tungkulin na ipagtanggol ang estado. Ang kanilang pagsanib sa Reserve Force ay magpapataas sa kahandaan at katatagan ng ating bansa,” dagdag pa niya.
Malugod na tinanggap ni Almario ang mungkahing ito at ipinaliwanag na alinsunod sa Republic Act 7077 o ang Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act, mandato ng batas na ang mga reservists ay magsilbi hindi lamang sa panahon ng digmaan o emergency kundi maging sa mga gawaing sibilyan.
“Maaaring i-mobilize ang mga reservist para sa disaster response, peacekeeping, development work, at health services, bukod sa military duties,” paliwanag ni Almario.
Sa kasalukuyan, mahalaga na ang ginagampanang papel ng mga security guard sa pagbibigay-proteksyon sa mga tahanan, negosyo, institusyon, at iba’t ibang pampubliko at pribadong pasyalan.
Sa panukalang ito ng Civil Security Group ng PNP, mabibigyan sila ng pormal na pagkakataong makapaglingkod sa pambansang depensa habang ipinagpapatuloy ang kanilang tungkulin bilang mga sibilyan.
Sa harap ng mga umiiral na banta sa pambansang seguridad, ang inisyatibang ito ay naglalayong palawakin ang Reserve Force ng AFP at makatulong sa pagpapatibay ng estratehiya ng pamahalaan sa paghadlang sa mga banta sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.