QC Cong. Marvin Rillo hinamon sa debate ukol sa P71-M proyekto na ‘di pa natatapos
Eleksyon 2025 - Bandera April 28, 2025 - 09:55 AM
DIREKTANG hinamon ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) anchor na si CJ Hirro si Quezon City 4th District Representative Marvin Rillo na humarap sa isang live debate — walang edit, walang censorship — ngayong Martes ng tanghali, April 29.
Kaugnay ito ng mga alegasyong bumabalot sa kontrobersyal na P71 million project ng multipurpose building sa Carlos L. Albert High School.
Sa isang video na ibinandera sa mga social media platform ng PGMN, binanatan ni Hirro ang paulit-ulit na pagbabanta ng kampo ni Rillo na magsampa ng kaso, na tinawag niyang “desperado at duwag na paraan para takutin at patahimikin ang isang taong ginagawa lamang ang kanyang trabaho–ang kanyang tungkulin protektahan ang kapakanan ng kanyang mga kababayan.”
“Debate me face-to-face. Let’s dissect every allegation—isa-isahin natin yan—line by line, item by item. Sagutin mo lahat ng tanong,” sey ni Hirro.
Baka Bet Mo: Para kay Agot, dapat maging presidente ng Pinas ay ‘strong, fearless, inspiring leader’
Sentro ng isyu ang unang bahagi ng proyekto sa Carlos L. Albert High School na sinimulan noong Marso 2023 ngunit nananatiling pundasyon at mga poste pa lamang ang nakatayo hanggang ngayon.
Iginiit ni Rillo at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na unang bahagi pa lamang ang natatapos at kailangan pa ng dalawang karagdagang phase upang makumpleto ang buong proyekto na nagkakahalaga ng P225 million.
Pinalagan ng mamamahayag ang paliwanag ukol sa hindi natapos na proyekto.
Giit niya, batay sa mga opisyal na dokumento, lalo na sa bidding documents at project billboard, walang binanggit tungkol sa paghahati-hati ng proyekto sa mga phase.
Tinukoy ni Hirro na dapat ay malinaw itong nakasaad sa special conditions ng bidding documents para masigurado ang tuloy-tuloy na pondo sa ilalim ng iba’t-ibang administrasyon.
Bukod dito, walang inilaan na budget para sa ikalawa at ikatlong bahagi ng proyekto.
Binigyang-diin din ni Hirro ang Bill of Quantities, kung saan nakasaad ang mga materyales tulad ng ceiling reinforcements, bintana, pinto, at tiles —patunay umano na ang pondong P71 million ay para sa isang kumpletong gusali, at hindi lamang para sa pundasyon at poste.
Sa isang pahayag na ipinadala sa INQUIRER noong nakaraang linggo, tinawag ni Rillo ang mga alegasyon bilang “hearsay.”
Buwelta ni Hirro, “All I did was compare your public statements—sourced from your interviews and your official Facebook page—to official documents from PhilGEPS and DPWH. That is—by definition—the literal opposite of hearsay.”
Pinuna rin niya ang maling paggamit ng mga politiko sa terminong “fake news,” na ayon sa kanya ay ginagawa na lamang “get-out-of-truth-free card” para makaiwas sa pananagutan.
Iginiit ni Hirro na sa pamamagitan ng isang live debate, magkakaroon si Rillo ng pagkakataon na ipagtanggol ang sarili sa harap ng publiko.
Aniya, “If you have nothing to hide, then you have nothing to be afraid of.” Nagbabala rin siya na kung pipiliin ni Rillo na magsampa ng kaso imbes na harapin ang mga tanong, “That will prove na hindi ka lumalaban nang patas at duwag ka.”
“PGMN is not a ragtag band of backyard broadcasters you can bully like some goon in a low-budget kiss kiss bang bang movie,” giit ni Hirro.
Aniya pa, “I am a journalist, armed with truth and backed by those who will not bend to your scare tactics.”
Sa kasalukuyan, nakakuha na ng pansin ang hamon, kung saan umabot sa 242,000 views sa Facebook at 85,000 views sa YouTube ang video sa loob lamang ng 24 oras.
Wala pang pahayag si Rep. Rillo hinggil dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.