PAGASA: Mainit, maalinsangang panahon inaasahan ngayong Biyernes Santo
INAASAHAN ang matinding init at maalinsangang panahon sa buong bansa ngayong Biyernes Santo, April 18.
Kaya sa paggunita ng Biyernes Santo, kung kailan maraming deboto ang nagsasagawa ng Visita Iglesia, penitensya, at iba pang panlabas na aktibidad, paalala ng weather bureau na magdoble-ingat sa matinding init ng panahon, lalo na sa katanghaliang tapat.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang easterlies o ang mainit at maalinsangang hangin mula sa Karagatang Pasipiko ay patuloy na nakakaapekto sa buong bansa.
“Dito sa buong bahagi ng Luzon, kasama na diyan ang Metro Manila, ay patuloy pa ring magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap ang ating kalangitan. Mainit at maalinsangang panahon pa rin yung mararanasan natin lalo na sa tanghali,” sey ni Weather Specialist Grace Castañeda.
Baka Bet Mo: Semana Santa 2025: 7 ‘pamahiin’ ng mga Pinoy na buhay na buhay pa rin
“Samantala, dito naman sa bahagi ng Visayas at Mindanao ngayong araw — ang buong bahagi ng Visayas at Mindanao, maging itong area rin ng Palawan, ay patuloy ding makakaranas ng maulap hanggang sa maulap na kalangitan,” dagdag pa ng forecaster.
Dahil dito, pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na gumamit ng proteksyon gaya ng payong, sombrero, o sunscreen kapag lalabas.
“In the next two days, patuloy pa ring ganitong panahon ang ating mararanasan kung saan mainit pa rin lalong lalo na sa tanghali,” ani Castañeda.
Bagamat inaasahan ang maalinsangang panahon, posible rin umano ang mga isolated rain showers sa hapon o gabi dahil sa epekto ng easterlies.
Sa ngayon, ang ahensya ay walang binabantayang low pressure area o anumang weather disturbance na maaaring makaapekto sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.