Nora Aunor kauna-unahang morenang singer-actress na inidolo ng masa

Nora Aunor
BINASAG ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor ang sistema noon sa Philippine showbiz industry kung saan puro tisay o mestisa ang namamayagpag na aktres.
Base sa kasaysayan, si Ate Guy o Nora Cabaltera Villamayor sa tunay na buhay, ang kauna-unahang artistang babaeng kayumanggi ang sumikat nang bonggang-bongga sa mundo ng entertainment sa Pilipinas.
Talagang milyun-milyon ang umiidolo sa kanya mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at sa buong mundo. Kahit saan siya magpunta noon ay dinudumog at pinagkakaguluhan siya ng fans.
Kaya naman buong bansa ang nagluluksa ngayon sa pagpanaw ng National Artist for Film and Broadcast Arts, nitong Miyerkules, April 16 sa edad na 71.
Nagsimula ang career ni Nora sa showbiz nang itanghal siyang grand champion sa “Tawag ng Tanghalan” noong May 29, 1967 sa edad na 14.
Bago siya sumali sa “TNT”, nagtinda muna ang iconic TV and movie actress ng tubig sa harap ng Bicol Train Station noong kanyang kabataan upang makatulong sa kanilang pamilya.
Pagkatapos nito ay nagkasunud-sunod na ang proyekto ni Nora hanggang sa bansagan na siyang “Golden Voice” ng Philippine music industry at tanghalin na bilang nag-iisang Superstar.
View this post on Instagram
Sa gitna ng pamamayagpag noon ng mga mestisang artista ay umeksena nga ang isang tulad ni Nora na isang morena – na inidolo, minahal at sinuportahan ng napakaraming Filipino.
Habang sikat na sikat bilang isang mang-aawit, pinasok din ni Ate Guy ang mundo ng pag-arte kung saan nakagawa siya ng halos 200 pelikula sa loob ng mahigit apat na dekada.
Sa kanyang henerasyon, siya lang ang aktres na naidirek ng apat na National Artists for film, sina Gerardo de Leon, Lamberto Avellana, Lino Brocka, at Ishmael Bernal.
Dahil sa kanyang natatanging pagganap sa pelikulang “The Flor Contemplacion Story”, si Nora ang itinanghal na kauna-unahang Pinay na nagwaging best actress sa 19th Cairo International Film Festival noong 1995.
Ang pelikula naman niyang “Himala” na ipinalabas noong 1982, ang nagwagi sa CNN APSA Viewers Choice Award bilang Best Asia-Pacific Film of all Time taong 2008.
Bukod dito,nakapag-uwi rin si Ate Guy ng mga international awards sa limang iba’t ibang kontinente: 19th Cairo International Film Festival noong 1995 (Africa); 1st East Asia Film and Television Award, 1997; Asian Film Awards, 2013; at 3rd Sakhalin International Film Festival (Asia).
Nakatanggap din siya ng parangal sa 31st Festival International du Film Indépendant de Bruxelles noong 2004; sa Premio Della Critica Indipendiente, 2013; St. Tropez International Film festival noong 2015 (Europe); Asia Pacific Screen Award, 2013 (Australia); at Green Planet Movie Award (North America).
Nasa listahan din siya bilang most nominated (sa best actress category) sa kasaysayan ng FAMAS Awards. Nagkaroon siya ng 17 nominasyon mula pa noong 1973, pumapangalawa sa namayapa na ring aktor na si Eddie Garcia na may 23 nominasyon sa leading at supporting role.
Nakamit naman niya ang kanyang FAMAS Hall of Fame noong 1991 kasama sina Eddie Garcia, Joseph Estrada, Charito Solis, Fernando Poe, Jr. at Vilma Santos.
Samantala, tanging si Ate Guy lamang ang nanalong best actress sa tatlong magkakasunod na taon ng Film Academy of the Philippines.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.