Wang-wang na dengue

APAW na ang mga ospital ng gobyerno sa Metro Manila sa mga pasyente ng dengue.  Wala na silang paglagyan kaya’t ang apat na bata sa isang kama ay karaniwang tanawin na rin.  Sanlinggo na rin sa mga pahayagan ang mga retrato ng “sinardinas” na mga pasyente ng dengue sa mga ospital ng gobyerno.

Pero, di pa rin kumikilos ang Malacañang.  Tila di kayang pasukin ng lamok na dengue ang Palasyo dahil sa higpit ng pagbabantay.  Marahil magigising lamang ang Malacañang kapag isa sa mga naririto ay tinamaan ng dengue.

Hindi rin kumikilos ang malalaki at mayayamang lungsod dahil abala ang mga lider nito sa ibang bagay: kalaban sa politika, nagmemeyor-meyoran lang dahil may malakas na mayor pa rin, at kulang ang pondo.
Nakaiinis ang programa ng isang mayor dahil sa kanyang press release ay “pinaigting na information campaign” habang kalahati na ng mga bata ang nawala sa isang barangay at na-ospital na nga.

Matuwid ba ang ikinikilos ng mga halal na lider?  Bakit di sila nauubusan ng dahilan, samantalang nauubos na rin ang mga gamot sa government hospitals?

Oo nga naman.  Di puwedeng sisihin ang Malacañang.  Di puwedeng sisihin ang mga mayor.  Mas madaling sisihin ang lamok.

Lumilikas sa gera

DEDMA ang Maynila sa balitang libu-libong pamilya ang lumikas mula sa kanilang mga bahay sa Datu Piang, Maguindanao para di madamay sa bakbakan ng mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front at kumalas na grupo ng mga Muslim.
Eh ano nga naman kung sila-sila ang magbakbakan, mag-ubusan.  Ganyan naman ang kanilang kultura.
Pero, maling reaksyon ito ng imperyong Maynila. Ito ba ang ganti ng Maynila sa mga kapatid na mahirap kausapin?  Huwag naman sana.
Ang mga bata ang talo sa tuwing libu-libo ang lumilikas.  Nagkakasakit ang mga sanggol at paslit sa evacuation centers, nalilipasan ng gutom, at may peligrong mamatay (may namamatay na ring mga bata, ayon sa tala).
Sa tuwing may bakbakan ng Muslim sa kapwa Muslim, kailangang magpadala ng mga pagkain ang Department of Social Welfare and Development sa mga evacuation centers na kaya pa nitong pasukin.  Nahihinto ang pag-aaral ng mga bata nang mahabang panahon at natatapos ang taon na kalahati na lamang ang natutunan ng mga mag-aaral.
Sa tuwing may bakbakan ay palagi na lang hinihintay ng gobyerno na humupa na lang ito o maawat ng mga lider-Muslim.
Wala na bang paraan ang pambansang pamahalaan para mapigil ang lokal na gera?  Nasaan ang magagaling magsalita?

Read more...