
Ryza Cenon
Trigger Warning: Mention of suicide
DALAWANG beses nang nagtangka ang aktres na si Ryza Cenon na tapusin na ang kanyang buhay nitong mga nagdaang taon.
Aminado ang “StarStruck Season 2” Ultimate Female Survivor na napakarami na niyang pinagdaanang pagsubok at sa ilang pagkakataon ay inaatake siya ng matinding depression.
Sa panayam kay Ryza ng veteran entertainment columnist na si Aster Amoyo para sa kanyang YouTube channel, matapang niyang inamin na dalawang beses na siyang nag-attempt mag-suicide
Una raw noong 17 years old pa lamang siya at nagsisimula pa lang sa showbiz, “That time po kasi as in independent lang po ako na nandoon lang ako sa bahay mag-isa.
“Kasama ko po ‘yung lola ko, pero syempre matanda na po ‘yung lola ko. So ‘pag may problema ako, hindi ko naman sasabihin na sa kanya iyon kasi iisipin na iisipin niya iyon,” simulang pagbabahagi ni Ryza.
Patuloy pa niya, “So kini-keep ko lang po sa sarili ko ang lahat hanggang sa ayun po na nagkaroon ako ng depression. May isang araw na pa-give up na po talaga ako as in suicide na po.”
Sa pagkakataong ito, naisip ng aktres at celebrity mom na tawagan ang nakatatanda niyang kapatid at humingi ng sign kay Lord.
Kapag daw sinagot ng brother niya ang call, hindi niya itutuloy ang kanyang balak.
Para raw nahimasmasan ang aktres nang marinig ang boses ng kuya niya, “Iyak lang po ako nang iyak. Tapos sorry ako nabg sorry sa kapatid ko. Plus kay God na naisip ko iyon.”
Sumunod daw rito ay nang isilang na niya ang anak na si Night. Inatake siya ng postpartum depression sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Mas matindi raw ang naranasan niya that tine dahil hindi sila magkasama ng kanyang partner na si Miguel Antonio Cruz dahil inabutan ito ng lockdown sa trabaho.
“Wala po akong parang nanay na masasandalan o mahihingan ng advice. ‘Tama po ba itong ginagawa ko bilang nanay? Ganito ang pagpapalaki sa anak ko, ganyan, ganyan.’ Walang ganoon,” ani Ryza.
Hindi rin daw niya maipaliwanag kung bakit nagkakaroon siya ng suicidal thoughts, “Minsan kinukuwestiyon ko rin ang sarili ko. Ang hirap labanan minsan ‘yung sarili mong monster sa utak mo.
“Ang lakas po, masyado malakas po ‘yung sa akin. So ang lakas niya kong bulungan o minsan kontrolin,” paliwanag ng aktres.
Bukod sa pagmamahal niya sa kanyang pamilya, isa pa sa nakatulong sa pag-recover niya ay ang pagpipinta kung saan niya ibinubuhos ang lahat ng kanyang emosyon at nararamdaman.
Sa mga nangangailangan ng tulong o naghahanap ng makakausap, maaari kayong tumawag sa National Center for Mental Health Crisis Hotline – 0966-3514518.