ISA kami sa nakapanood ng “Perfect 10” concert ni Sarah Geronimo sa Araneta Coliseum kamakailan at agree kami na ang pinaka-highlight ng show ay ang trio nila nina Regine Velasquez at Lea Salonga.
In fairness, hindi naman nagpahuli si Sarah sa special guests niya kung biritan ang pag-uusapan, pero siyempre hindi maiiwasan na ikumpara siya sa Asia’s Songbird at sa Tony Award winner.
Kaya naman kumalat kaagad sa social media na inilampaso ni Regine si Sarah at maging si Lea ay na-upstage rin ni Songbird dahil nu’ng paglabas niya ng entablado ay walang humpay ang hiyawan at palakpakan sa kanya.
Kaagad itong kinlaro ni Regine, “You know, kapag concert naman talaga, nangyayari naman talaga yun, kahit sa akin. Siyempre, pag guest, e, guest nga, e. So, Lea and I are very grateful na binigyan kami ng chance na magbigay-pugay siya sa amin.
Kasi alam naming fan siya.” “Silang lahat ng nanood du’n, supporters sila ni Sarah. Hindi siya na-upstage. That’s her concert, that’s her moment. Kumbaga, binigyan lang kami ng moment,” sabi ni Regine.
Samantala, may “fan” si Sarah na nangba-bash kay Regine kaya’t tinanong siya kung bakit siya pumayag na maging guest, “Wala naman dahilan para hindi ako mag-guest at wala rin dahilan para i-bash ako kasi they know how I love Sarah.
“Yung mga Popsters, they know how much I love Sarah. I’ve said onstage that I’ll always be there whenever she needs me. Kahit hindi concert, I am always there for her. Parang ang turing ko sa kanya, anak ko na,” klaro ni Regine.
Tinanong namin kung ka-join pa rin siya sa repeat concert nito sa SMMOA Arena, “I’m still there. She asked me, so I’m gonna be there,” sagot ni Regine.
Samantala, kinumusta naman ng press si Mang Gerry na kamakailan lang ay panay ang hingi niya ng panalangin sa lahat ng kaibigan niya para gumaling agad ang ama.
“Nakalabas na si Papa, na kina Cacai (Velasquez-Mitra) siya, sila ni Mama, hindi muna namin sila pinababalik ng Bulacan, he’s doing well. Every Sunday we go there, so do’n lang kami, it’s family day for us,” sey ng Songbird.
Tinanong namin kung ano ang naging sakit ni Mang Gerry pero nakiusap ang singer-actress na huwag na lang pag-usapan at nagpapasalamat siya sa lahat ng mga taong nanalangin para sa agarang paggaling ng ama na ilang linggo rin daw nasa ICU.
Noong kalakasan ni Mang Gerry ay parati siyang sumasama kay Regine sa lahat ng shows niya kaya’t naitanong kung sasama pa rin siya, “Ha-hahaha!
Sabi ko sa kanya magpagaling siya ng bonggang-bongga kasi ngayon medyo he’s a little weak pa, but slowly, he’s getting there, prayers pa rin, in-encourage ko siyang magdasal and he’s also aware of what’s been happening sa Yolanda so I told him, we should be grateful kasi we’re all here, family is complete, so okay naman siya,” tuluy-tuloy na pahayag ni Songbird.
Anyway, napakinggan namin ang mga kanta sa latest album ni Regine na “Hulog Ka Ng Langit” mula sa Universal Records na inihahandog niya sa anak nila ni Ogie na si Baby Nate.
Gandang-ganda kami sa album dahil bukod sa magaganda ang songs, parang bumili ka na rin ng baby book kung saan nandu’n ang baby pictures ni Baby Nate simula nu’ng ipanganak siya hanggang sa natutong maglakad.
Sa tabi ng mga pictures naka-print ang lyrics ng mga awitin sa nasabing album. Na-enjoy namin lahat ang mga awiting nasa album dahil naalala rin naming ang aming anak na si Patchot, kabilang na ang “Pag-Ibig”, “Amazing”, “My Child”, “Just The Way You Are”, “The One Real Thing”, “Nathaniel”, “Hulog Ka Ng Langit”, “Rainbow Connection”, “Tomorrow”, “Someone’s Waiting For You”, “Happines”, “Hele Ni Inay” at “God Gave Me You”.
Kuwento ni Regine ang bahagi ng mapagbebentahan ng album ay ibibigay sa Philippine Red Cross, Quezon City Chapter na gagamitin para sa rebuilding at rehabilitation ng mga lugar na napinsala ng bagyong Yolanda.
Sa kabila ng pagtulong ni Regine sa mga nangangailangan ay may bumatikos pa rin sa kanya sa social media. “It doesn’t matter anymore. Parang it will matter pa ba? Pag-uusapan lang naman ‘yan so, hayaan mo na sila.
If that’s what they want to do, then, they can bash all they want, we can’t do anything about it, basta kami, we’re trying also to do everything we can to help,” say ni Songbird.
At kaya raw niya pinost ang pagbebenta niya ng gamit ay para i-encourage ang ibang tao na tumulong at hindi raw ito para sa publicity nila dahil hindi naman daw niya kailangan lalo na sa ganitong pagkakataon.
“Kaya kaming mga artista, nag-o-auction. Hindi para pabanguhin ang pangalan namin. Aanhin pa namin ‘yun? Hindi naman kami tumatakbo. Wala naman kaming pelikulang pino-promote.
Tumutulong lang talaga kami. “And kami kasi, mas madali naman talagang magbigay ng pera pero mayroon din po kasi kaming mga sariling obligasyon. My father just got hospitalized. Ang tagal namin sa ICU.
“Sa ngayon, kaya ako nago-auction kasi ito ‘yung kaya kong gawin. Kasi meron din akong ibang obligation with my family. I have a son, so sa abot lang ng aking makakaya.
Kasi, ang pagtulong naman, ke maliit ke malaki, nasa puso dapat,” sey ng Songbird.
( Photo credit to Google )