Anthony Jennings, Maris Racal mabenta sa mga senior; lola nahilig sa bakbakan

Anthony Jennings at Maris Racal
PANG-ALL ages pala ang “Incognito” dahil ‘yung lola ng kaibigan namin ay nangungulit kung anong oras na dahil manonood na raw siya ng serye nina Maris Racal at Anthony Jennings.
Yes ang MaThon ang binanggit nil ola dahil natutuwa siya sa magka-loveteam na parang aso’t pusa sa kuwento at naalala raw niya ang asawang namatay noong magkasintahan pa sila na away-bati rin at pagkatapos ay itinanan siya.
Tanong namin sa aming kaibigan kung mahilig bang manood ng serye ang lola niya at um-oo naman at paborito raw nito noon ang “Pangako Sa ‘Yo” nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa. Nabanggit din niya ang “My Binondo Girl” nina Kim Chiu at Xian Lim.
“Actually maraming gusto si lola pero yang dalawang ‘yan hindi niya nalilimutan pati pala ‘yung Be Careful with My Heart, ‘yan ang mga gusto niya kasi romcom, ayaw niya ng mga horror.
“Alam ko ayaw niya ng bakbakan at barilan pero itong Incognito type niya dahil kina Maris at Anthony,” kuwento ng kaibigan namin na ayaw ipabanggit ang name.
Sa madaling salita fan pala si lola nina Maris at Anthony na may “Social Climbers” ding pelikula sa Netflix.
View this post on Instagram
“Naku, hindi niya alam ‘yang Netflix, hamuna at baka mangulit, sa TV lang siya watch. Okay na ‘yan,” natawang sagot sa amin.
Tawa raw nang tawa si lola sa eksenang pinakuha ni Maris kay Anthony sina Bud at Dy ang dalawang giant poodle na hirap na hirap kargahin ng aktor.
Feeling naman talaga namin ay sadyang kinuha ang MaThon sa “Incognito” para sila ‘yung sa comedy-lighter side dahil nga puro seryoso ang mga kasama nila tulad ni Richard Gutierrez, Daniel Padilla, Kaila Estrada, Ian Veneracion, at Baron Geisler pero sa mga behind the scenes naman ay puro naman sila nagtatawanan at nagbibiruan.
Samantala, base sa umeereng episodes ngayon ng Incognito ay tungkol sa religious cult sa pangunguna ng lider nilang si Robert Sena kasama ang mga alagad niyang sina Ian de Leon, Felix Roco at iba pa na hinostage ang mga staff at hotel guests para taguan ang mga otoridad na humahabol sa kanila dahil sa patong-patong nitong kaso.
Isinabay pa ang panganganak ni Louse delos Reyes na asawa ni Alex Medina (namatay naman) at si Daniel ang nagpa-anak kaya maho-hook ka rin sa kuwento isama pa ang mahusay na sina Nova Villa na may dementia at asawa nitong si Ariel Ureta na makulit.
At dahil hindi kaya ng gobyerno kaya naatasan ang grupo ni kontraktor Greg (Ian) na hulihin sina Robert bilang si Ama at ang mga kasama nito na nagtatago sa nasabing hotel. May pagkakahawig ba ang eksenang ito sa tunay na nangyari kamakailan?
Ang naging problema ay nahuli ng mga kalaban si Anthony na nagpanggap silang bihag din para malaman kung saan sila dumaan para mapasok ang loob ng hotel.
Sabi ng kaibigan namin, “Si lola nga panay ang sabi, ‘Maris iligtas mo si Anthony!”
Anyway, ang fresh lang panoorin ng “Incognito” dahil iba’t ibang lugar sila nagso-shoot pagkatapos ng Palawan ay napunta sila ng Italy at ngayon ay balik Baguio City sila at nasa bundok kaya makikita magagandang tanawin.
Ang inaabangan ng lahat ay ang Japan location nila at ano ang kuwento kung bakit sila napadpad doon, sino ang hinahabol nila.
Ang maganda sa Studio Three Sixty at Star Creatives ay hindi nila tinitipid ang viewers dahil ito naman ang gusto ng manonood na dalhin ang mga mata natin sa magagandang lugar na hindi pa napupuntahan.
Napapanood ang Incognito sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC at Netflix.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.