
IMAGE: Jerome Cristobal/INQUIRER stock photo
HINDI nakaligtas si Pope Francis sa banta ng pneumonia sa kabila ng kanyang matibay na pananampalataya at dedikasyon sa Simbahan Katolika.
At take note mga ka-BANDERA, ang tumama sa Santo Papa ay hindi lang basta-basta dahil ito ay “double” pneumonia pa!
Habang patuloy siyang nagpapagaling sa ospital, marami ang nag-aalala sa kanyang kalagayan at nagdadasal sa kanyang paggaling.
Pero teka, ano nga ba ang double pneumonia? Paano ito naiiba sa karaniwang pulmonya, at paano ito maiiwasan?
Baka Bet Mo: Pope Francis sa sakit na pneumonia: ‘I might not make it this time’
Ayon sa aming na-research, ang double pneumonia ay isang impeksyon sa parehong baga.
Karaniwan, ang pneumonia ay maaaring tumama sa isa lamang na bahagi ng baga, pero kapag dalawa na ang apektado, mas nagiging delikado ito.
Sino ang madaling tamaan, mahawaan?
Lahat ay pwedeng tamaan ng pneumonia, pero heto ang listahan ng mga may mas mataas na panganib:
Mga matatanda, lalo na ang may edad 65 pataas; tulad ni Pope Francis na nasa 87 years old na.
Mga sanggol o batang may edad dalawang taon pababa.
Mga may mahinang immune system, tulad ng may chronic illnesses (diabetes, sakit sa puso, at iba pa).
Mga naninigarilyo at madalas ma-expose sa polusyon.
2 uri ng Pneumonia
Una na riyan ang Bacterial Pneumonia, ang pinaka-karaniwang uri at mas malala kumpara sa ibang klase ng pneumonia.
Nangangailangan ito ng agarang medikal na atensyon at ang mga sintomas nito ay maaaring lumitaw nang dahan-dahan o biglaan.
Ang Viral Pneumonia naman ay kadalasang nabubuo sa loob ng ilang araw.
Sa simula, ang mga sintomas nito ay kahawig ng trangkaso at pagkalipas ng isa o dalawang araw, lumalala ito.
Sintomas ng Pneumonia
Kung ikaw o ang kakilala mo ay may alinman sa mga sumusunod na sintomas, magpatingin agad sa doktor:
Hirap sa paghinga o mabilis na paghinga
Matinding ubo na may plema na kulay berde, dilaw o may dugo
Mataas na lagnat at panginginig
Pananakit ng dibdib, lalo na kapag humihinga ng malalim o umuubo
Matinding panghihina o mabilis na pagkapagod
Walang ganang kumain
Nahihilo at nasusuka, lalo na sa mga bata
Pagkalito o confusion, lalo na sa mga matatanda
Paano maiiwasan ang Pneumonia?
Magpabakuna – May mga bakuna laban sa pneumonia at flu na makakatulong sa pagprotekta sa ating baga.
Palakasin ang immune system – Kumain ng masustansyang pagkain, uminom ng maraming tubig, at matulog nang sapat.
Iwasan ang paninigarilyo – Ang usok ng sigarilyo ay nagpapahina sa ating baga at nagpapataas ng tsansa ng impeksyon.
Magsuot ng facemask sa matataong lugar – Ang mga virus at bacteria na nagdudulot ng pneumonia ay maaaring lumipad sa hangin.
Madalas na maghugas ng kamay – Simpleng paraan pero epektibo laban sa mga mikrobyo.
Sa edad ni Pope Francis, hindi biro ang laban sa pneumonia, pero dahil sa modernong medisina at dasal ng buong mundo, may pag-asang malalampasan niya ito.