
Pepsi Paloma. Darryl Yap at Mon Confiado
NAGING maingat ang award-winning actor na si Mon Confiado sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa kontrobersyal na pelikula ni Darryl Yap na “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Nakachikahan ng BANDERA si Mon kasama ang dalawa pang members ng entertainment press after ng grand mediacon ng latest horror movie ng Viva Films na “Lilim” starring Heaven Peralejo.
Wala pang ibinibigay na update si Direk Darryl kung maipapalabas pa ba sa mga sinehan ang kanyang bagong pelikula matapos ang naging desisyon ng MTRCB na hingan muna ng kaukulang dokumento ang producer na magpapatunay na wala na itong hinaharap na kaso sa korte.
Ito’y matapos ngang sampahan ng kasong cyberlibel ng movie at TV icon na si Vic Sotto si Direk Darryl dahil sa diretsahang pagbanggit sa pangalan niya sa teaser ng “The Rapists of Pepsi Paloma” na pinagbibidahan ni Rhed Bustamante.
Baka Bet Mo: Mon Confiado 11 years nang walang dyowa: Tinanggap ko nang matandang binata na ako…
Sa kasalukuyan, may hinaharap na 19 counts of cyberlibel complaints si Darryl na inihain ni Vic sa Muntinlupa Regional Trial Court.
Sa naturang pelikula, gagampanan nga ni Mon ang karakter ng talent manager ni Pepsi Paloma na si Dr. Rey dela Cruz. Ang iba pang artistang kasama sa pelikula ay sina Gina Alajar bilang Charito Solis, Shamaine Buencamino bilang ina ni Pepsi at Rosanna Roces bilang Divina Valencia.
Tumanggi agad si Mon na magkuwento tungkol sa nilalaman ng pelikula ni Darryl Yap, pero inalam daw muna niya siyempre ang magiging kabuuan ng gagawing pagsasalaysay sa buhay ng yumaong sexy star na sumikat noong dekada 80.
“As an actor, dapat alam naman natin ang istorya ng ating gagawin. Very professional naman kami.
“Si Direk Gina Alajar naman siguro ay hindi magsu-shooting kung hindi niya alam ang takbo ng kuwento, same as ibang actors, si Ms. Shamaine, si Rosanna Roces, at iba pang cast.
“Siyempre, as professional, alam namin yung istorya. Pero kung papaano ipo-promote ni Direk, hindi namin alam yun,” esplika ng premyadong aktor.
Sa tanong kung wala bang magrereklamong mga personalidad kapag napanood nila ang pelikula, “Hindi ko pa muna sagutin, kasi maano, e, ma-preempt o maaano.
“Gusto ko lang mag-ingat. Gusto ko lang maging safe, kasi talagang napakahirap ng sitwasyon ng pelikulang ito. Baka hindi dapat sa akin manggaling ang information,” dagdag ni Mon.
Hindi pa knows ng aktor kung gaano kalaki ang role niya sa movie pero nagpapasalamat siya sa lahat ng pumuri sa bonggang akting niya na napanood sa trailer.
“I guess malaki ang ginagampanan ni Rey dela Cruz sa pelikula. Hindi ko alam kung masasabi kong bida yun. Pero siyempre, supporting character pa rin yun. Ang bida pa rin diyan, si Pepsi Paloma.
“Yung pinalabas kasi ni Direk Darryl ay trailer pa lang. Hindi ko masyadong masasagot nang direkta ang tanong kung yung mga pasabog. First of all, hindi ko pa napanood yung pelikula.
“Secondly, medyo alam naman natin na controversial talaga siya. So, maingat na maingat ang mga sagot sa mga tanong tungkol sa pelikulang yan, dahil siyempre mahirap na sa akin mauna ang information, e.
“Dahil alam naman natin lahat na na nandu’n pa sa…to be safe, hindi ko pa talaga masasagot nang direkta.
“Although, sa trailer naman, sabi niyo nga, yung character ni Dr. Rey dela Cruz e medyo nakakuha ng atensiyon. E, du’n pa lang, as an actor naman kasi, masaya na ako.
“Yun lang naman yung purpose ng aking pagiging artista, ganapan nang tama kung ano man ang character na ibinigay sa akin,” pagbabahagi pa ni Mon.
Anyway, magiging busy ang aktor ngayon sa promo ng bago niyang movie, ito ngang latest horror flick na “Lilim” na mapapanood na sa mga sinehan sa March 12, mula sa direksyon ni Mikhail Red.
Kasama rin sa pelikula sina Eula Valdes, Ryza Cenon, Gold Aceron, Rafa Siguion Reyna at marami pang iba.