Vintage bomb na nilagari sumabog, 1 patay, 2 putol ang binti

Vintage bomb na nilagari sumabog, 1 patay, 2 putol ang binti

PATAY agad ang isa habang nasa kritikal na lagay naman ang dalawa dahil sa naging pagsabog ng nilagaring vintage bomb sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Base sa inilabas na ulat ng GMA Regional TV, sumabog ang naturang vintage bomb na natagpuan nila sa isang construction site.

Sinubukan nila itong lagariin para mabuksan at makita kung ano ang laman nito sa loob ngunit bigla na lang itong sumabog.

Baka Bet Mo: Rochelle sa SexBomb Girls-BINI showdown: Siguro nu’ng bata-bata kami

Ayon sa ulat ay kritikal ang kondisyon ng dalawa matapos itong mapuruhan sa naging pagsabog at tuluyan ngang naputulan ng mga binti.

Sinusuri pa rin ng Provincial Explosives and Canine Unit (PECU) ang mga bahagi ng bomba para malaman kung saan nanggaling ang pagsabog at para malaman kung anong uri ito ng bomba.

Nagbabala naman sa publiko si Police Major Nova Lyn Aggasid hinggil sa paghawak ng mga vintage bombs sakaling may makapaghukay uli ng mga ganito sa susunod.

Hindi raw kasi ito ang unang pagkakataon na may nakatagpo ng ganitong bomba.

“Sa mga naka-discover ng ganito, kapag nakakita ng ganyan, i-report agad. Huwag nilang kunin o hawakan, huwag nilang lagariin. Hindi lang ito [ngayon] nangyari, dati sa previous years din may naputulan ng kamay,” sabi ni Aggasid.

Read more...