Erwin Tulfo nagpaliwanag sa ‘di pagpirma sa impeachment complaint kay VP Sara
NAGPALIWANAG si ACT-CIS Partylist Rep. at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa kanyang hindi pagpirma sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa senatorial aspirant, iniiwasan niyang magkaroon ng bahid ang kanyang hatol lalo na kung manalo siya sa 2025 senatorial elections at maging “senator-judge” sa paglilitis.
Matatandaang noong Miyerkules, February 5, nang patalsikin ng House of Representatives si VP Sara matapos makalikom ng lagda mula sa 215 miyembro kasama ang sister-in-law ni Rep. Erwin na si ACT-CIS Rep. Jocelyn Tulfo at pamangkin niyang si Quezon City Rep. Ralph Wendell Tulfo.
Ang naturang approved impeachment complaint ay iniakyat na rin sa Senado.
Baka Bet Mo: Erwin Tulfo umamin, naging undocumented immigrant sa US
Nitong Huwebes, February 6, ibinahagi ni Rep. Erwin na pinili niyang huwag pumirma.
“Hindi ako pumirma sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil iniiwasan kong magkaroon ng bahid ang ating paghusga, lalo na’t may tyansang maging senator-judge tayo.
“Ilang buwan na lang bago ang halalan at magkakaroon ng bagong grupo ng mga senador na sisiyasat sa mga ebidensya. Ito yung pagtutuunan natin ng pansin sakaling maging senator-judge tayo- magbigay ng hatol ayon sa mga ilalatag na ebidensyang bawat panig,” saad ni Rep. Erwin.
Ngunit habang ‘di pa siya nananalo sa pagkasenador ay patuloy pa rin niyang gagampanan ang trabaho.
“Gayunpaman, habang wala pa sa pagkakataong iyon, patuloy tayo sa ating mga laban para mapaganda ang buhay ng mga Pilipino. Patuloy ang trabaho at pagiging kakampi ng inaapi,” dagdag pa ni Rep. Erwin.
Para sa mga hindi aware, kinakailangang makakuha ng two-thirds na boto, (16 out 24 senators) para tuluyang mapababa sa puwesto si VP Sara sa paglilitis sa Senado.
Isa ang kapatid ni Sen. Raffy Tulfo sa senatorial preference survey ng
Social Weather Stations (SWS) para sa 2025 midterm elections kamakailan.
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.