NAKITA ang lakas ng bagong kumbinasyon na Japeth Aguilar at Greg Slaughter nang durugin ng Barangay Ginebra ang San Mig Coffee, 86-69, sa pagbubukas kahapon ng 2013-14 PBA Philippine Cup sa nag-uumapaw na Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Mahigit 20,000 ang taong nagtungo sa Big Dome at karamihan sa kanila ay panatiko ng Gin Kings at hindi sila nabigo sa asam na makitang manalo ang kanilang koponan.
Ang 6-foot-9 na si Aguilar na naglaro sa kanyang paboritong puwesto na power forward ay mayroong nangungunang 18 puntos, 8 rebounds at 5 blocks habang ang number one pick sa Rookie Draft na si 6-foot-11 center Slaughter ay gumawa ng double-double na 10 puntos at 13 rebounds, pito rito ay sa offensive glass.
Si LA Tenorio ay mayroon pang 17 puntos at 10 assists habang ang bagong hugot din na si 6-foot-7 JR Reyes ay kinapos ng isang rebound para sana sa isa pang double-double output na 10 puntos at 9 rebounds.
Kung kulang pa ito, idagdag pa si Dylan Ababou na may 16 puntos mula sa 6-of-9 shooting, kasama ang tatlong tres, sa 17 minutong paglalaro.
“Sa third quarter, we were able to dictate the tempo. Ang intimidation na hanap namin, it worked in the third. Iba talaga kapag nasa loob ‘yung mga malalaki namin,” wika ni Barangay Ginebra head coach Renato Agustin.
Samantala, kinuha rin ng nagdedepensang kampeon na Talk ‘N Text ang unang panalo sa 89-80 tagumpay laban sa Meralco Bolts na ginawa sa Cebu Coliseum sa Cebu City.
Ipinagdiwang ng rookie ng Tropang Texters na si Eliud Poligrates ang kanyang pagbabalik sa Cebu matapos tumipa ng 13 puntos.
Ang bagong saltang si Nonoy Baclao ay mayroon pang 14 puntos upang suportahan ang 20 na ginawa ni Jason Castro. Ang nagbabalik na si Kelly Williams ay gumawa ng 10 puntos para sa Talk ‘N Text na gumana ang laro sa huling yugto.