Noranians nag-iyakan


Take Our Poll

WALANG kaduda-dudang kaligayahan lang ang naramdaman ni Nora Aunor noong Linggo nang hapon habang ginaganap ang kanyang Fans Day sa Broadway Studios.
Kahit malayuan naming napapanood ang kaganapan dahil kami ang nasa Paparazzi Showbiz Exposed studio nina Ruffa Gutierrez, Dolly Ann Carvajal, Zoren Legaspi at DJ Mo Twister at sina Alex Gonzaga at IC Mendoza ang nag-host ng Fans Day ay damang-dama namin ang sobrang saya ng mga tagahanga ni Nora dahil pagkatapos nang halos walong taon ay nakasama uli nila ang kanilang nag-iisang idolo.
Sorry sa mga tagahangang nagdatingan, pero hindi nakapasok, talagang napakaliit ng Broadway Studios sa napakalaking bilang ng mga tagasuporta ng Superstar na humangos sa venue.
Umaga pa lang ay grupo-grupo nang nagdaratingan ang kanyang mga tagahanga, meron pa ngang gabi pa lang ay nandu’n na, nagsitulog na lang sila sa mga gilid-gilid ng gusali.
Maligayang-maligaya ang mga fans, naglaro pa sila kasama ang Superstar, nagpakitaan din sila ng mga pinakaluma nilang memorabilla ng Superstar.
“Grabe po ang mga fans ni Ms. Nora, nag-iiyakan po talaga sila, mga loyalista talaga sila ng Superstar. Nakita ko pa nga ‘yung old woman na walang sinasabi, basta iyak lang siya nang iyak, parang kulto pala ang mga tagahanga ni ate Guy!” kuwento sa amin ni IC Mendoza.
Hindi ito ang una at huling Fans Day na gagawin para kay Nora Aunor, meron pang mga susunod, aayusin lang mumang mabuti ng TV5 ang kanyang schedule para maisingit ang isa pang pakikipagdaupang-palad ng aktres sa kanyang mga tagahanga.
Ang mahalaga ay napaligaya niya ang kanyang mga tagasuporta na mula noon hanggang ngayon ay hindi pa rin kinakapos ng pagmamahal at tiwala sa kanya.
At kapag ganito nang ganito ang nangyari ay walang dudang mas mapapahaba pa ang pananatili dito ng Supersar. O, kung bumalik man muna siya sa Amerika, pagkatapos lang siguro nang maigsing panahon ay babalik uli siya sa Pilipinas, dahil nandito ang kaban ng yaman na muling mag-aangat sa kanyang kabuhayan.

Read more...