‘Yung pinakasimpleng bagay ‘yun ang pinakamasaya! – Alan Cayetano

 

'Yung pinakasimpleng bagay 'yun ang pinakamasaya! - Alan Cayetano

Boy Abunda, Pia Cayetano at Alan Petere Cayetano

SA kauna-unahang pagkakataon, ibinahagi ni Sen. Alan Cayetano ang kanyang takeaway mula sa isang segment ng programa nilang “CIA with BA.”Hindi ito mula sa pangunahing usapin na tinalakay sa nakaraang episode ng programa kundi mula sa masaya at pagtatapos na segment nitong “Alan, Pia, Pik!”, isang laro kung saan naglalaro ang mga kalahok ng “bato-bato-pik” at nananalo ng mga premyo.

Noong Linggo, January 19, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagkakaroon ng positibong pananaw at pagpapahalaga sa simpleng kasiyahan.

Inamin niyang madalas siyang ma-frustrate kapag nakakakita ng mga hindi pagkakapantay-pantay o hindi pagkakasunduan. Ito ang nagtulak sa kanya na magbago ng pananaw para sa 2025.

Baka Bet Mo: May ‘K’ ka ba kung nakapangalan sa ka-live in mo ang naipundar n’yo?

“Iba muna ang paghuhugutan ko ng takeaway kasi nga medyo umiinit ulo ko ‘pag may tingin ko mali o injustice o sakitan among each other. Gusto ko kasi, itong 2025 medyo mas happy ang dating,” ani Alan.

Bilang patunay, ibinahagi ng host ang mga kwento mula sa kanyang kabataan at buhay may-asawa, na nagpapakita kung paano ang mga pinakasimpleng sandali ay nagdudulot ng pinakamatinding kasiyahan.

“Years ago, ilang taon na rin kaming kasal ni Lani, umulan nang malakas tapos hinahanap niya ‘ko. Nakita niya ‘ko nasa garden, walang t-shirt, naka-shorts, naliligo sa ulan,” kwento niya, na may kasamang ngiti habang nire-reminisce ang isang masayang alaala.

Nagbalik-tanaw din siya sa mga simpleng karanasan noong kanyang kabataan, “Panahon kasi namin, ‘yung pinakasimple, ‘yon ang pinakamasaya, e.

“May puno ng aratiles, aakyat kami, magbabatuhan ng konti, kukuha, kakainin mo. Magpapatintero kayo. Mga simpleng bagay pero masaya,” pag-alala pa niya.

Binigyang-diin ni Sen  Alan na hindi kailangang magarbo o materyal upang makamit ang kasiyahan.

“Hindi kailangang mahal, hindi kailangang bumili. ‘Yung time mo, ‘yung effort mo, and simple things, those will become true memories. Magpasaya tayo sa simpleng mga bagay,” aniya.

Ang nakaka-inspire na episode na ito ay nagbigay-diin sa halaga ng pagiging simple, oras, at pagsisikap sa pagbubuo ng makulay at makabuluhang mga alaala at relasyon.

Ang “CIA with BA” ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Sen. Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo, 11 p.m. sa GMA 7, at may mga replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.. Kasama rin dito bilang co-host si Pia Cayetano at Boy Abunda.

Read more...