AYON sa huling report ng pulisya bandang 10 a.m., umabot na sa 1.5 milyong katao ang dumalo sa Quirino Grandstand sa Maynila ngayong araw, January 13.
Ang bilang na ‘yan ay ilang oras bago magsimula ang “National Rally for Peace” ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Naunang naiulat ng INQUIRER.net ang unti-unting pagdami ng mga dumadalo sa naturang lugar.
Baka Bet Mo: LIST: Mga saradong kalsada sa NCR dahil sa INC Rally sa January 13
Dakong 7:10 a.m., patuloy na nagtitipon ang mga miyembro ng INC na may dalang mga placard na nananawagan ng pagkakaisa sa Bonifacio Drive at Katigbak Parkway.
May mga miyembro rin ng INC na nakitang nagkakampo sa Anda Circle, Port Area.
Ayon sa Manila Police District (MPD), umabot na sa 650,000 ang bilang ng mga dumalo bandang 8 a.m.
Nakatakdang magsimula ang “National Rally for Peace” sa ganap na 4 p.m. ngayong araw, ayon sa isa sa mga host ng event.
As of this writing, patuloy ang informal na programa sa lugar.
Ayon sa INC, layunin ng rally na ipakita ang suporta kay Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang pagtutol sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte.
Inaasahan naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na aabot sa isang milyong tao ang dadalo sa nasabing pagtitipon.