NAGDESISYON ang Kapuso actor na si Dennis Trillo na i-donate ang cash prize na napanalunan niya sa Metro Manila Film Festival bilang Best Actor sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang “Green Bones”.
Matatandaang bukod sa tropeo na gawa ng Filipino-American visual artist na si Jefre Manuel Figueras ay nagkamit rin ng premyong P100,000 ang mga nagwagi bilang Best Actor at Best Actress sa magdaang 50th MMFF Gabi ng Parangal.
At tila na-inspire si Dennis sa kanyang naging karakter sa naturang pelikula dahil napili nito ang mga Persons Deprived with Liberty o mga PDL para pagbigyan ng papremyo.
Sa naging panayam sa aktor matapos ang nagdaang awards’ night ay naibahagi nito ang aral na makukuha sa kanilang pelikula — ang pagiging mabuti.
Baka Bet Mo: Dennis Trillo never naisip na magiging Best Actor sa 50th MMFF: ‘Gusto ko lang i-enjoy’
“Isa sa pinaka-mensahe ng pelikula ay patungkol sa kabutihan ng tao o pagiging mabuti. Kung tayo ay may kakayahang makatulong, piliin natin na tumulong kaya naman wala ng pagdadalawang isip pa,” saad ni Dennis.
Aniya, suportado siya ng asawang si Jennylyn Mercado sa kanyang desisyon.
“Pareho kami ni Jen na gustong ibigay ang halagang napanalunan ko para sa mga PDL at para matupad ang kanilang mga munting hiling sa kanilang Tree of Hope,” pagbabahagi pa Dennis.
Para sa mga hindi aware, ito ang pangalawang beses na nanalo si Dennis Trillo bilang Best Actor sa MMFF. Ang una ay sa kanyang naging pagganap sa pelikulang “One Great Love” noong 2018.
“Lagi ko pong sinasabi na ngayong araw ng Kapaskuhan, ayoko na pong magpa-stress sa pakikipag-kumpitensya o pakikipagpagalingan sa kahit kanino man.
“Dahil pakiramdam namin, panalo na kami nung naipasok pa lang sa 10 entries dito sa 50th anniversary ng Metro Manila Film Fest ang ‘Green Bones.’ Kaya palakpakan po natin ang mga sarili natin. Winners tayong lahat,” sey ni Dennis.