Vice Ganda umalma sa fake news: Walang utang ang It’s Showtime sa GMA

MARIING dinenay ng Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda ang malisyosong tsismis na may utang daw ang “It’s Showtime” sa GMA 7.

Ito raw ang dahilan kung bakit hindi na umano ire-renew ang kontrata ng naturang noontime show sa Kapamilya Network sa darating na 2025.

Hanggang ngayon ay mainit pa ring pinag-uusapan ang balitang hindi na raw mapapanood ang Kapamilya noontime program na pinangungunahan nina Vice, Anne Curtis, Vhong Navarro, Kim Chiu at Karylle sa GMA next year.

Pero mismong si Vice na at ang Senior Vice-President ng GMA na si Atty. Annette Gozon-Valdes ang nagsabing  walang katotohanan ang chikang may pagkakautang ang “It’s Showtime” sa Kapuso station.

Sa nakaraang episode ng “It’s Showtime” napag-usapan nina Vice, Vhong at Kim at ang tungkol dito nang pansinin nila ang super kintab na stage ng “Tawag ng Tanghalan.”

Sey ng komedyante, “Paano ba namang hindi kukutitap, ang kintab ng stage na to, parang natapunan ng syrup ng hotcake.” Na sinang-ayunan din ni Kim, “Makinang.”

Baka Bet Mo: Karylle pinatay sa socmed, pati si Vice ginawan ng ‘burol’ fake news

Hirit pa ni Vice, “Mas makintab sa bunbunan ko pag 3:30 ng madaling-araw. Budgeted na tayo dito, budgeted.”

Reaksyon naman ni Vhong, “Budgeted na tayo dito, umaasenso na tayo.”

Sey uli ni Meme Vice, “Let’s claim it na umaasenso tayo. At hindi totoong may utang ang It’s Showtime sa GMA.”

Hirit ni Kim, “Oo nga, sino ba kasi nagpakalat nun?”

Kasunod nito, pinasalamatan ni Vice si Annette, “Bongga talaga to si Miss Annette! I love you, Miss Annette. Huwag kayong mag-alala, may pamasko si Miss Annette.”

Wala namang binanggit ang komedyante kung ano ang tinutukoy niyang Christmas gift para sa kanila ng GMA executive. Nagpasalamat naman si Kim sa sinabi ni Vice Ganda.

Sa isang panayam, nagsalita si Miss Annette tungkol sa renewal ng kontrata ng “It’s Showtime” sa GMA, “May hinintay kaming data kaya natagalan kami bumalik sa kanila. Pero siguro mga 95 percent ano na yan.

“Wala namang problema kasi, e. Konting ano lang, konting pag-uusap lang. Nandito sina Carlo (Katigbak, presidente ng ABS-CBN), nag-uusap kami,” aniya.

“Pagdating sa ratings, wala kaming problema. Yung ibang mga ano yung ano namin, mas tungkol sa new terms. Sa ratings, walang problema, kasi ang taas-taas ng ratings ng Showtime,” sabi pa ng Bossing ng GMA.

Sinabi rin niya na walang utang sa kanila ang “It’s Showtime.”

Read more...