WILLIE tinapatan si MEGA, nag-donate rin ng P10-M


Kinabog ni Yolanda si Napoles. Totoong-totoo, nang humaginit ang malakas at mapamuksang hangin ng bagyong Yolanda ay biglang natiklop ang mga usaping-Napoles, biglang nanahimik ang mga politikong pagkatitinding umepal, isang matinding bagyo lang pala ang katapat ng mga hunyangong ‘yun para ihinto muna ang kanilang mga bibig na minaster na ang pagmamalinis.

At kung kailan naman kailangan ang kanilang presensiya sa mga lugar na nilanos ng super-typhoon ay hindi sila pumipiktyur, nagkakawalaan sila, nasaan na ang sinasabi nilang serbisyong totoo na handa nilang ibigay sa mga kababayan nating nangangailangan?

Mabuti na lang at meron tayong mga personalidad mula sa lokal na aliwan na may malawak na pagmamahal sa ating mga kababayang nagkakandagutom na ngayon sa Kabisayaan.

Sampung milyong piso ang donasyong ibinigay ni Willie Revillame sa DSWD, sampung milyon din ang pinagbiyak na donasyon ni Sharon Cuneta para sa Alagang Kapatid ng TV5 at sa kompanya ng Aboitiz, limang milyong piso rin ang kusang-loob na ibinahagi ni KC Concepcion at apat na raang libong piso naman ang ibinigay na tulong ni Kris Aquino sa mga naghihirap na nasasakupan ni Congresswoman Lucy Torres-Gomez.

Ngayon mas kailangan ng ating bayan ang tulong ng mga serbisyo-publiko, pero nakalulungkot isipin na kahit kabi-kabila nang pagpuna ang tinatanggap ng gobyerno ay ganu’n pa rin kabagal ang pagdating ng ayuda sa mga naguguton nating kapatid sa Kabisayaan, ano na ba ang nagaganap sa kanila?

Nasaan na ang kanilang mga pangako nu’ng panahon ng kampanya na lahat ay gagawin nila para mapaglingkuran ang mga kababayan nating higit na nangangailangan ng kanilang suporta? Nasaan na sila ngayon?

( Photo credit to Google )

Read more...