BONGGA! Ang Filipino singer na si Sofronio Vasquez ang itinanghal na grand winner sa katatapos lamang na “The Voice USA.”
Si Sofronio ang kauna-unahang Filipino at ang first Asian na nakapag-uwi ng titulo para sa 26th season ng naturang international singing competition.
Napaluhod ang Pinoy singer nang isigaw na ang kanyang pangalan bilang grand champion sa “The Voice” sa finals night ng contest na ginanap sa Amerika ngayong araw (Philippine time).
Si Michael Bublé ang coach ni Sofronio na talagang napaiyak nang masaksihan ang winning moment ng Pinoy artist.
“My Filipino brother, you are the hope of so many people… it has been such an unbelievable journey to be here with you,” ang mensahe ni Michael Bublé kay Sofronio bago pa siya tanghaling winner.
Tinalo ni Sofronio ang kanyang kasamahan sa Team Bublé na si Shye, Danny Joseph ng Team Reba, Jeremy Beloate mula sa Team Snoop at Sydney Sterlace ng Team Gwen.
Trending ngayon sa social media ang finale performance ni Sofronio kung saan kinanta niya ang “A Million Dreams” from the movie “The Greatest Showman”.
Lumaki sa Pilipinas si Sofronio at ang yumao niyang tatay ang naging inspirasyon niya sa pagkanta. Taong 2022 nang magtungo siya sa Amerika para ipagpatuloy ang kanyang singing career matapos pumanaw ang ama.
“Thank you so much to my Filipinos everywhere and in America who gave so much love and support,” ang pahayag ni Sofronio sa isa niyang social media post nang makapasok siya sa Top 5 finalists.
Naging contestant din si Sofronio sa “Tawag ng Tanghalan” ng “It’s Showtime” kung saan umabot siya sa semifinals round.
Sabi nga ng isang netizen, “7x rejected auditions in TNT (singing contest in the Philippines). No chair turns in The Voice Philippines and Now! Top 5 Finale in The Voice USA.”
Sa December 2 episode ng contest, sinabi ni Michael Bublé kay Sofronio after ng performance niya with Elvis Presley’s “If I Can Dream”, “I think if people understood the strength that you have and the fact that through all of this adversity, you walk out here on a night like tonight, when it probably matters more than anything has in your whole life career-wise.
“You walk out here in the moment and you take the brass ring and I’m just so happy for you,” sabi ng international singer.
Sa panayam naman ng PEOPLE kay Sofronio last December 9, natanong kung paano niya ise-celebrate ang kanyang naging experience sa “The Voice” manalo man o matalo.
“We’re just going to celebrate that this was a very, very good run for The Voice and we really felt that we are loved by the production and no one is superior… we are all loved. It’s in America’s hands for tomorrow,” tugon ng Pinoy pride.