Ai Ai babalik sa MMFF 2025; naiyak sa pagtulong sa rap group na Outcast

Ai Ai babalik sa MMFF 2025; naiyak sa pagtulong sa rap group na Outcast

GOOD news para sa lahat ng mga fans and supporters ng Kapuso star at Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas! Balak niya uling sumali sa Metro Manila Film Festival next year.

Masaya at excited na ibinalita ni Ai Ai na pinaplano na ng kanyang team ang pagbabalik niya sa MMFF 2025 bilang regalo sa lahat ng mga taong nagre-request na muli siyang mapanood sa tauranga filmfest.

Nakachikahan namin si Ms. Ai kamakailan sa ginanap na online mediacon kasama ang ilang piling members ng entertainment press para ipakilala ang bagong grupong tinutulungan niya, ang rap group na Outcast.

Dito nga niya naikuwento ang mga aasahan ng publiko sa kanyang career next year nang matanong namin kung anu-ano ang mga magiging projects niya sa 2025.

Bukod sa gagawin niyang teleserye, magkakaroon din siya ng series of concert next year, “Aside sa mga gagawin kong live show dito sa Pilipinas sa January, may mga show din ako sa Amerika.

Baka Bet Mo: Ai Ai ibinunton daw kina Carlos at Chloe ang galit kay Gerald Sibayan

“Tapos babalik uli ako rito sa Pinas, then sa April may show din ako sa Canada. So, marami pa rin namang blessings, thank you Lord!” sabi ng komedyana.

Kasunod nito, ibinalita rin ni Ai Ai na balak nga niyang makabalik sa MMFF sa susunod na taon, “Yes, comedy pa rin (ang genre), pero siyempre level-up na. Kaya sana matanggap kung anuman yung masa-submit namin for MMFF 2025.”

Samantala, proud na proud si Ms. Ai sa grupong Outcast na sinusuportahan at tinutulungan niya para makilala at makagawa ng sariling pangalan sa music industry.

Ito’y binubuo nina Lynx Haedus, ALX, Wayne, Ikong, Ike, Choy Facts. Lahat sila ay mula sa Dasmariñas, Cavite na nagsama-sama para sa iisa nilang pangarap, ang ibandera sa sambayanang Pilipino ang kanilang musika at talento.

Ayon kay Ai Ai, hindi siya ang talent manager ng grupo. Gusto niya lang daw tulungan ang Outcast dahil nagustuhan at na-touch siya sa mga ginawang kanta ng mga bagets.

Bukod sa promising ang mga songs ay siguradong kapupulutan din ito ng aral ng mga kabataan, lalo pa’t tumatalakay ang debut single nilang “Wag Kang Mag-alala Mama” tungkol sa pagmamahal at pagrespeto sa mga nanay.

Kuwento ng aktres, talagang pinahanap niya ang grupo matapos mapakinggan ang kanilang mga kanta. Tagos na tagos daw kasi ang mga ito sa kanyang puso bilang nanay, lalo na nga ang “Wag Kang Mag-alala Mama” o “WKMM”.

“Ginawa talaga nila yung song bilang pasasalamat sa mga magulang lalo na sa mga nanay nila na parating nandiyan na nagmamahal at gumagabay sa kanila,” ani Ai Ai.

Pagmamalaki pa niya sa grupo, kung ang ibang mga rapper-songwriter ay puro tungkol sa mga hugot sa dyowa at pakikipagrelasyon ang tema ng mga kanta, mas nag-focus ang Outcast sa pagmamahal sa mga parents.

Napaiyak pa nga si Ai Ai habang ipinagmamalaki ang Outcast dahil parang kinukurot daw ang puso niya bilang ina kapag naiisip ang advocacy ng mga kabataang singer.

Inilabas na rin ang music video ng “WKMM” at napapanood na sa iba’t ibang social media platforms. Ibinahagi rin ni Ai Ai ang naturang MV sa kanyang Instagram page.

Kuwento pa ng komedyana, tatlong buwan na raw niyang tinutulungan ang Outcast pero natigil ito pansamantala dahil sa dami rin ng mga ginagawa niya bukod pa sa pabalik-balik na biyahe niya sa Pilipinas at Amerika.

Pero nu’ng maghiwalay daw sila ng dating asawang si Gerald Sibayan, ipinagpatuloy niya ang paggabay sa Outcast para kahit paano’y maibsan ang nararamdaman niyang sakit at kalungkutan at unti-unting makapag-move on.

Read more...