GUMAWA ng panibagong milestone para sa Pilipinas ang tatlong magkakasunod na pagkapanalo ni Alfred Vargas bilang Best Actor para sa pelikula niyang “Pieta“.
Si Alfred ang itinanghal na pinakamagaling na aktor para sa “Pieta” sa katatapos lang na 2024 Ima Wa Ima Asian International Film Festival na ginanap last December 1, 2024 sa napakalaking Sumiyoshi Main Hall sa Osaka, Japan.
Nakasama niya sa pelikula sina National Artist at Superstar Nora Aunor, Gina Alajar at ang yumaong si Jaclyn Jose, mula sa direksyon ni Adolf Alix, Jr..
Baka Bet Mo: Alfred nanalong best actor sa FAMAS dahil kina Nora, Jaclyn at Gina
Nauna nang nanalong best actor si Alfred sa 72nd FAMAS Awards at sa 3rd WuWei Taipei International Film Festival para sa natatangi niyang pagganap sa “Pieta.”
“I am very humbled and proud to receive this award! Sa Diyos ang Kaluwalhatian! Ang daming nominees from other countries like Japan, Korea, Indonesia among others, at nakakataba ng puso na na-recognize yung performance natin for Pieta.
“I am very honored kasi international recognition ito at kahit paano ay na-represent natin ang Pilipinas dito at naiwagayway natin ang ating bandila together for other Pinoy awardees.
“Kayang-kaya talaga nating makipagsabayan sa world stage at ang creativity at talent ng Pilipino ay walang kaparis. Gusto kong pasalamatan ang ating Superstar na si Ms. Nora Aunor sa pagtanggap sa proyektong ito.
“Kay direk Gina Alajar for guiding me and always supporting me pagdating sa improvement ng aking craft. And kay direk Adolf Alix for bringing everyone together for this film. Kung wala sila, wala ako dito ngayon,” aniya pa.
Ang ikatlong Best Actor award ni Alfred mula sa Ima Wa Ima Asian International Film Festival ay nagpapakita ng positibong momentum ng kanyang pelikula at ang pagpasok sa listahan ng “3-peat-in-one-movie-best-actors” tulad nina Piolo Pascual, Christopher de Leon, Allen Dizon at Coco Martin.
Ang naturang event ay inorganisa ng Global Maharlika sa Kansai, Philippine Community Coordinating Council, Korean Residents Union at Kyomigaru Creative Collective Group sa Japan.
Layon ng award-giving body na kilalanin ang kahanga-hangang pagkamalikhain at talento ng mga taga-Asya. Pinapalawak ng Entertainment Special Awards ang layuning ito, hindi lamang sa paggawa ng pelikula, kundi pati na rin sa nilalaman ng telebisyon at bagong media.
Sa kanyang speech, itinaas, kinilala, at pinuri niya ang mga manggagawa sa pelikula na responsable sa kanyang mga pagkapanalo. Pinasalamatan din niya ang kanyang asawa at pamilya sa suportang ibinibigay sa kanya.
Marami rin ang na-touch nang tawagin ni Alfred ang kanyang anak na si Cristiano sa stage, “Anak, para sa iyo ang award na ito. Pinaghirapan ito ni Daddy. Lagi mong tatandaan na lagi akong nasa tabi mo kahit anong mangyari. Abutin ang iyong mga pangarap.
“At kung mangangarap ka na rin lang, mangarap ka nang malaki. Don’t forget, balang araw when you’re successful at nasa rurok na ng tagumpay, nasa itaas ka na, huwag mong kalimutan na lalong tumulong sa mga mas nangyari, yung mga nasa baba huwag mong kalimutan. Tsaka family is everything, anak,” emosyonal na mensahe ni Alfred sa kanyang anak habang tinatanggap ang award.
Bukod sa Best Actor, na nakuha rin ng “Pieta”ang Best Screenplay Award para sa screenwriter na si Jerry Gracio.