MULING kinilala ang ginagawang pagtulong ni Tutok To Win Partylist Rep. Sam Verzosa sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Dahil sa tuluy-tuloy na charitable at philanthropic work, at halos araw-araw na pagtulong mula pa noong 2009, pinarangalan ang kongresista ng prestihiyosong Gusi Peace Prize International Award.
Si SV ang youngest Filipino awardee ng naturang international award “through his efforts in
philanthropy and promoting peace and upholding the human rights and dignity.”
Nakasama ni Sam sa awarding ceremony para sa 2024 Gusi Peace Prize na ginanap sa Manila Metropolitan Theater kagabi, November 27, ang iba pang awardees mula sa iba’t ibang bansa.
“The Gusi Peace Prize Foundation’s mission is to recognize those who have distinguished themselves as exemplars of society or who have contributed to the attainment of peace and respect for human life and dignity.
Baka Bet Mo: NewJeans big winner sa Asia Artist Awards 2023, ilang Pinoy celebs nagwagi rin
“The foundation’s ideals are based on the concepts of godliness, unification, service, and internationalism,” ayon sa organizers ng event.
Sa kanyang speech, binigyang-diin ni SV ang walang kapalit na pagtulong niya sa mga nangangailangan nating mga kababayan na tumatagal na ng 10 taon.
“Sobrang grateful ako, dahil ako yata yung pinakabatang nakatanggap ng Gusi Peace Prize. Ito kasi yung parang Nobel Peace Prize in Asia.
“I’m honored to receive this award dahil mare-recognize yung mga trabaho natin, yung mga ginawa nating tulong for the past 10 years,” ang pahayag ni SV na tatakbong mayor ng Maynila sa 2025 midterm elections.
“Sabi nila when it rains it pours. Halos sunud-sunod yung awards. Three weeks ago may philantrophist of the year, ngayon Gusi Peace Prize. Nakita n’yo naman from different countries, from Saudi Arabia to Honduras, to US, to Mexico, to Spain.
“I’m proud to represent our country the Philippines. Sabi ko nga we do this to inspire others para mas marami pang tumulong, to promote the culture of giving yung movement of helping,” aniya pa.
“Kasi kapag maraming tumutulong, mas maraming matutulungang mga kababayan nating mahihirap at ang pangarap ko kapag naiangat na ang buhay nila ay sila naman ang magbigay ng tulong sa iba.
“Nakakatuwa rin na dito pa sa Maynila ibinigay sa akin ang Gusi Peace Prize, ako ay batang-Maynila, anak ako ng Maynila at hindi ako titigil hangga’t mas marami tayong matulungan at mabago ang buhay,” sabi pa ni SV.
Bukod dito, may isa pang bagong award na igagawad kay Sam, yan ay ang Humanitarian of the Year mula sa isa pang award-giving body.
“Sunud-sunod yung mga nakaka-recognize sa mga ginagawa natin. Natutuwa ako na marami nang nakakakita sa mga ginagawa nating kabutihan kahit pa kung anu-anong paninira ang ginagawa ng mga kalaban.
“Pero yung mga taong naniniwala sa atin, hindi lang dito sa Pilipinas, maging sa ibang bansa, ang dami nang napapabilib.
“Sana makita rin ito ng karamihan sa mg kababayan ko para next time kayo naman po ang tumulong,” dagdag pa niya.
Pangako pa niya, “Lalo ko pang gagalingan, lalo pa akong tutulong, lalo pa akong magbibigay. Hangga’t kaya kong ibigay, ibibigay natin para sa mga kababayan natin lalo na sa mga Manileño.”
Matatandaang naghain na ng certificate of candidacy (CoC) si Sam bilang mayor ng Maynila at halos araw-araw ay nililibot niya ang lungsod upang abutan ng tulong ang kanyang mga kababayan.
Nauna rito, ipina-auction din niya ang mga luxury car na kanyang pag-aari kabilang na ang sasakyan ng kanyang yumaong amang si Sam Verzosa, Sr..
Ang kinita rito ay gagamitin sa pagpapatayo ng diagnostic and dialysis center sa Manila.