Vilma ‘binantaan’ si Aga; mas na-excite sa ‘Uninvited’ dahil kay Nadine

Vilma 'binantaan' si Aga; mas na-excite sa 'Uninvited' dahil kay Nadine

NABUO ang kuwento ng Metro Manila Film Festival 2024 entry na “Uninvited” nang dahil sa nag-iisang Star for All Seasons na si Vilma Santos.

Concept pala ni Ate ang istorya ng “Uninvited” na idinirek ni Dan Villegas and produced by Mentorque Productions at Project 8 Projects in cooperation with Warner Bros. Pictures.

Ito ang magsisilbing reunion nina Vilma at Aga Muhlach na nagsama sa pelikulang “Sinungaling Mong Puso” at “Nag-iisang Bituin” tatlong dekada na ngayon ang nakararaan.

“Noong kinonceptualize yung istorya nito, of course, alam namin na hindi madali ang istorya ng Uninvited.

Baka Bet Mo: Nadine pasabog ang role sa ‘Uninvited’; pinaghandaan sina Vilma at Aga

“Initially, ang tawag pa nga namin dito, Project Red. Pero nu’ng ni-lay out na nila yung istorya, hindi talaga madali, at talagang importante yung mga characters du’n sa movie para maging epektibo.

“At nu’ng nabuo na ito, nag-usap na kami nina Direk Dan, ng team, wala talagang ibang choice to play Guilly.

“Talagang kung hindi, right away ang isang unang pangalan na ibinagsak, totoo ito, ha, Aga Muhlach,” ang pahayag ni Ate Vi sa naganap na bonggang media launch ng “Uninvited” sa Solaire North, Quezon City nitong nagdaang Miyerkules.

“That’s why nu’ng nadinig ko, na tumawag sa akin si Aga, and then sinabi niya na, ‘Ano, Vi? Totoo ba, gagawin nating pelikula ito? Totoo ba, gagawa tayo ng pelikula?’

“Tapos sabi ko, ‘Oo, Aga! Tanggapin mo dahil kung hindi, isosoli ko na yung kandila bilang ninang n’yo ni Charlene (Gonzalez) sa kasal! Kapag hindi mo tinanggap ito, ibabalik ko na yung kandila n’yo ni Charlene,’ kasi ninang nila ako sa kasal. ‘Kaya tanggapin mo na ito dahil… gusto na kitang bakbakan!’

“Yun, du’n nag-umpisa yon. And now, eto na, tapos na yung pelikula namin,” dagdag ng movie icon.

Chika pa niya, “Ito dream story ko. May interviews ako sinasabi ko gusto ko gumawa ng pelikula na nangyari ng 24 hours. Nag-uumpisa maganda, magsisimula dilapidated na. ‘Di ko alam ang gitna, sina Direk naglagay ng istorya hanggang nabuo.”

Dagdag pa ni Ate Vi, nang malaman niya na makakasama rin nila si Nadine Lustre sa movie, “Talagang na-excite ako! Go na, mag-shoot na tayo. When I learned na nag-yes si Nadine.”

Makakasama rin sa pelikula sina RK Bagatsing, Mylene Dizon, Lotlot de Leon, Gabby Padilla, Elijah Canlas, Ketchup Eusebio, Gio Alvarez, Cholo Barretto, Ron Angeles, Nonie Buencamino, at Tirso Cruz III.

Read more...