BEDA namumuro sa Ika-18 kampeonato

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
12:30 p.m. CSB-LSGH vs San Beda (jrs)
2:30 p.m. Letran vs
San Beda (srs)

PAGSISIKAPAN ng San Beda Red Lions  na masungkit ang ikaapat na diretsong kampeonato sa NCAA men’s basketball tournament sa pagsagupa nito sa Letran Knights ngayong hapon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Nakauna sa best-of-three finals series ang San Beda nang magwagi ito noong Lunes, 80-68, at isang panalo na lamang ang kailangan para makopo nito ang kabuuang ika-18 titulo sa liga.

Gayunman, hindi magkukumpiyansa ang Red Lions at inaasahan nilang maglalaro ng mas mahusay ang Knights sa Game Two.
“We only won one game.

We expect another tough game and we just have to be ready and stick to our plan especially on defense,” wika ni Red Lions coach Boyet Fernandez.

Handa rin ang Knights na biguin ang puntiryang selebrasyon ng Bedans at humirit ng winner-take-all game sa Sabado.
“We can bounce back,” wika ni Letran coach Caloy Garcia.

“But our bench must deliver and we can’t rely only on our starters.” Nakakadismayang 12 puntos ang binigay ng mga relievers na sina John Tambeling, Rey Nambatac at Jamil Gabawan gayong dati ay isang manlalaro ang nag-aambag ng numero na ito.

Si Raymond Almazan, na pararangalan bilang Most Valuable Player ng liga bago magsimula ang Game Two, ay inaasahang gagawin ang lahat ng makakaya para mabigyang buhay pa ang paghahangad ng Knights na kunin ang ika-17 sunod na titulo.

Umiskor ng 16 puntos ang 6-foot-7 Letran center sa Game One at 14 rito ay ginawa niya sa ikatlong yugto. Gayunman, nagkulang siya sa suporta mula sa kanyang koponan.

Si San Beda center Ola Adeogun, na may 16 puntos at 11 boards sa Game One, ang magsisilbi pa ring pangunahing puwersa para sa Red Lions pero malaking tulong kung puputok uli sa three-point area ang mga guards na sina Baser Amer, John Ludivice at Anthony Semerad.

Read more...