NAGSALITA na si Senator Win Gatchalian hinggil sa pagkakasangkot ng kanilang pamilya tungkol sa isang SUV na ilegal na gumamit ng EDSA Busway.
Sa isang ambush interview sa senador ngayong araw, November 7, natanong siya ng media kung kapatid nga ba niya ang may-ari ng naturang sasakyan na mainit na pinag-uusapan ngayon.
Wala namang naging kumpirmasyon o pagtatanggi mula sa naging pahayag ni Sen. Win.
“Nandoon na sa LTO ‘yong mga documents. So, iwan na lang natin sa LTO,” saad ng senador.
Baka Bet Mo: Bianca Manalo, Win Gatchalian na-hulicam, ‘nagtukaan’ sa Senado
Dagdag pa ni Sen. Win, “Sa pagkakaalam ko kahapon sa news, nag-iinvestigate na rin sila. So, I think iwan na lang natin doon.”
Matatandaang nitong Miyerkules, November 6, iniharap na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng naturang sasakyan na kinilalang si Angelito Edpan sa media.
Ayon kay LTO chief Asec. Vigor Mendoza II, naka-register sa isang kompanyang Orient Pacific Corporation ang naturang viral SUV.
Sinabi rin ni Sen. Raffy ma kamag-anak umano ng isang senador ang lulan ng naturang SUV na dumaan sa EDSA busway sa Guadalupe kamakailan.
“Related ito sa isang senador pero hindi ‘yong senador ‘yong sakay ng SUV na ‘yan at the time. Kamag-anak ng isang senador,” lahad ni Sen. Tulfo.
Lumutang ang mga pangalang “William” at “Kenneth Gatchalian” mula sa media na sinabing konektado umano sa Orient Pacific Corp.
Si William Gatchalian ang umano’y ama ni Sen. Sherwin Gatchalian, habang si Kenneth Gatchalian naman ay ang kapatid nito at siyang presidente ng Orient Pacific Corp.