UMABOT sa 23,399 ang mga materyal para sa telebisyon at pelikula ang narebyu at nabigyan ng angkop na klasipikasyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa buwan ng October, 2024.
Ang bilang ng mga TV Program na kanilang narebyu at na-classify ay nasa 11,512 habang ang TV Plugs and Trailers naman ay umabot sa 11,640.
Baka Bet Mo: Sunshine Guimary babu na sa ‘Batang Quiapo?’; MTRCB todo-suporta sa film, TV industry
Sa mga Films (Local and International), nasa 66 ang bilang na kanilang nabigyan ng kaukulang classification habang umabot naman sa 54 Movie Trailers at 127 Movie Publicity Materials ang dumaan sa tanggapan at review committee ng MTRCB.
Ayon kay MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio, ang malaking bilang ng narebyu ng Board ay isang magandang indikasyon ng pagyabong ng industriya ng paglikha.
“Kami sa MTRCB ay lubos na natutuwa sa malaking bilang ng mga materyal na isinumite sa ating Ahensya para mabigyan ng tama at angkop na klasipikasyon ng ating tatlumpu’t isang Board Members,” sabi ni Sotto-Antonio.
Ayon sa MTRCB Board, nagpapakita ito ng dedikasyon ng Ahensiya sa pagsuporta sa kalayaan sa pagpapahayag o freedom of expression at sa pagtitiyak na ligtas panoorin ang mga palabas bago ito mapanood ng publiko.